Kastilaloy (190)

MAKALIPAS ang ilang araw, inilabas na ni Garet si Mama Julia sa ospital. Mabuti na ang kalagayan nito. Mamula-mula na ang pisngi.

Dinala ito ni Garet sa kanyang condo sa Katipunan.

“Sa iyo ba ang condo na ito, Garet?’’

“Oo. Dito ako tumira mula nang umalis sa bahay natin.’’

“Ikaw lang mag-isa rito?’’

“Siyempre naman ‘Ma. Sino ba naman ang makakasama ko?’’

“Si Gaude? Hindi mo ba siya nobyo?’’

“Hindi.’’

“Mukhang mabait siya, Garet.’’

“Mabait talaga! Siya ang tumulong sa akin sa paghahanap sa’yo at sa iba pang problema.’’

“Hindi ba nagtatapat sa’yo?’’

“Hindi.’’

“Gusto ko siya para sa iyo, Garet. Mukhang mamahalin ka.’’

“Paano ako mamahalin e hindi nga nagtatapat.’’

“Pero may gusto ka sa kanya?’’

Hindi sumagot si Garet.

“May gusto ka sa kanya ano?’’

“’Ma naman ano bang tanong ‘yan.’’

“Kita ko sa mga mata mo, Garet. Hindi ka makakapagkaila.’’

“Sige na nga! Gusto ko na nga si Gaude. Ang problema, hindi nagtatapat. Gusto yata ako pa ang magtatapat.’’

Nagtawa si Mama Julia. Buhay na buhay na ang pagtawa.

“Ligawan mo na nga siya, ha-ha-ha!’’

“’Ma pilya ka ha? Kakahiya pagnalaman niya.’’

“Ah ako ang bahala.’’

“’Ma anong gagawin mo? Nakakahiya pagnalaman niya.’’

“Basta. Ako ang gagawa ng paraan.’’

Hanggang may naalala si Garet. May kinuha sa bedroom nito. May ipinakita kay Mama Julia.

“Natatandaan mo ang kuwintas na ito, ‘Ma?’’

Nakatitig si Mama Julia sa kuwintas. Hindi makapaniwala.

“Saan mo nakuha ‘yan, Garet. Iyan ang pinakamahalaga kong alahas!”

“Paano ito nawala sa iyo, Mama?”

“Ninakaw sa akin ni Geof!”

(Itutuloy)

Show comments