Kastilaloy (188)
“GUSTO ko lang malaman ang ginawa sa iyo ng Geof na yun, Mama,” sabi ni Garet. “Mula kasi nang umalis ako, ang kalagayan mo ang nasa isip ko. Natakot ako na baka isang araw ay may dumating na balita sa akin na may masamang nangyari sa iyo. At muntik na ngang mangyari.’’
Umupo si Mama Julia sa kama.
“Lagi akong sinasaktan ng hayup na si Geof. Sinasampal, sinusuntok at tinatadyakan. Nagsimula iyon nang maubos na ang pera ko at mga alahas. Humihingi siya ng pera pero ano ang ibibigay ko. Simot nang lahat.’’
“Paano naubos?”
“Sugal. Madalas kami sa casino.’’
“Pati ikaw nag-casino?’’
“Paglilibang lang ang sa akin. Si Geof ang talagang umubos ng pera ko at alahas. Nagising na lamang ako na wala na ang kayamanan ko.’’
“Tapos naisangla mo ang bahay?’’
“Una muna ang sasakyan at pagkatapos ay ang mga gamit. Hanggang pati ang bahay ay naisangla ko na rin.’’
“Hanggang sa magmistula kang pulubi.’’
“Nalulong ako sa alak. Wala na kasi akong masulingan. Naiisip ko ang kahihiyan na aking tatanggapin kapag nalaman ng mga kakilala ko ang nangyari.’’
“Nasaan na ang walanghiyang lalaki?’’
“Hindi ko na alam kung nasaan na siya. Biglang nawala! Nag-iisa na lamang ako sa bahay. Hanggang sa dumating ang sheriff na nagsabing kinukuha na ng banko ang bahay. Abandonahin ko na raw. Napilitan na ako. Nagpalabuy-laboy ako. Sa hiya ay nagtakip ako ng bandana sa mukha. Baka may makakita sa akin. Hanggang naisipan kong bumalik sa bahay at nagdaan sa sekretong pinto sa likod. Doon na uli ako namalagi.’’
“Kaya pala hindi ka namin makita sa ilalim ng flyover, tulay at maski sa simbahan.’’
“Hindi ako tumitigil dun dahil baka may makakita sa akin.’’
(Itutuloy)
- Latest