NAPUNTAHAN na nina Garet at Gaude ang mga ilalim ng flyover pero hindi nila nakita si Mama Julia.
Inabot na sila ng gabi sa paghahanap pero hindi pa rin nila makita. Nag-worry na si Garet. Naalala niya na may hypertension ang kanyang mama. May iniinom itong gamot. Ngayong wala na itong pera, paano makakainom ng gamot. Baka nahilo ito habang naglalakad at bumagsak. Tumama ang ulo sa bato at…
Umiyak si Garet. Naalarma si Gaude.
“Please huwag kang mag-panic, Garet. Makikita natin ang mama mo.’’
Tumigil sa pag-iyak si Garet. Nahimasmasan.
“Naalala ko kasi na may mga dinadala sa ospital na patay na pala at kinukuha ng mga punerarya. Mayroong nasa morgue ng ospital. Ayaw kong ganun ang mangyari sa kanya, Gaude. Gusto kong makita na maayos ang katawan ni Mama.’’
“Maayos natin siyang makikita. Basta relaks ka lang Garet.’’
“Gusto ko, magkasama pa kami nang matagal ni Mama.’’
“Mangyayari iyon, Garet. Bukas sa mga simbahan naman natin siya hahanapin. Di ba sabi ni Tita Carmina, noong araw ay mahilig tumambay sa simbahan ang mama mo.’’
Napatango si Garet.
“Gumagabi na. Halika na Garet. Bukas na lang uli natin hanapin si Mama Julia.
Umalis na sila. Hawak ni Gaude sa braso si Garet. Naaawa siya kay Garet.
KINABUKASAN, isinagawa na ni Geof ang plano. Una niyang pagnanakawan si Carmina. Nagtungo siya sa bahay nito sa Basilio St.
Eksaktong nasa bakuran si Gina at nagdidilig ng halaman. Tinawag niya ang maid.
“Gina! Gina!”
Nakita siya ni Gina. Lumapit ito sa kanya.
“Papasukin mo ako Gina!” (Itutuloy)