Kastilaloy (160)

NAG-ISIP si Garet sa sinabi ni Gaude na baka ang alahas ni Kastilaloy ang dahilan kaya nagkakaganoon si Gina.

Sino lang ba ang na­kaaalam ng alahas ni Kastilaloy? Siya, si Gaude at si Tita Carmina at ang kanyang Mama Julia. At katunayan nga, alam ng kanyang mama ang paghahanap niya sa libingan ni Kastilaloy para naman makilala ang mga taong huling nakausap nito bago namatay. Nasabi na niya sa kanyang mama na natagpuan na ang libingan ni Kastilaloy. At maski nga ang paghahanap niya kay Tita Carmina ay alam din ng kanyang mama. Pero ang mahigpit na bilin sa kanya ay huwag babanggit ng anuman kay Carmina ukol sa mga alahas ni Kastilaloy.

“Posible ang sinasabi mo Gaude,” sabi ni Garet. “Maaaring ang ka-live-in ni Mama na si Geof ang taong nasa likod ng mga kaduda-dudang kilos ni Gina.’’

“Paano?’’

“Maaaring naikuwento ni Mama kay Geof ang tungkol sa alahas ni Kastilaloy. At nagkaroon agad ng paghaha­ngad si Geof sa mga alahas. Kutob ko rin nakapaghalungkat na siya sa kuwarto ko at maaaring may nakuhang ebidensiya kung saan ako makikita o kaya’y itong bahay ni Tita Carmina. Nang makita niya itong bahay agad na ki­naibigan si Gina at maaaring pinangakuan ng kung anu-ano. Malay natin baka binigyan ng pera at alahas. Duda ako sa suot niyang kuwintas. Palagay ko, kay Mama ang kuwintas na iyon…”

“Paano naman napunta kay Geof ang kuwintas?’’

“Kutob ko, ninakaw niya kay Mama. Mabilis lang gawin iyon.’’

“Ang galing mo, Garet. Ang likot ng imahinasyon mo, writer ka talaga.’’

“Kaya ang balak ko, susubaybayan ko si Gina at aalamin ko kung saan galing ang kuwintas niya. Kapag natiyak ko kung saan galing iyon, magkakaroon na talaga ng closure ang kuwento ni Kastilaloy.’’

“Kailangang ma­ging maingat ka sa pagta­tanong kay Gina at baka ma­kahalata.’’

“Ganun nga ang ga­gawin ko. Dadaanin ko sa diplomasya.’’

“Tama. Kailangang mahinahon para magtapat siya.’’

KINABUKASAN, habang sila lamang ni Gina sa bahay ay pasimpleng binati Garet ang kuwintas ni Gina.

“Ang ganda naman ng kuwintas mo, Gina.’’

“Salamat Ate.’’

“Magkano ang bili mo?’’

“Bigay lang po Ate.’’

Kinabahan si Garet. Mukhang mahuhukay na niya ang misteryo.

(Itutuloy)

Show comments