“ANO pong nangyari, Tita? Paano po naagaw ni Mama si Papa sa iyo?’’ tanong ni Garet.
“Nangyari iyon noong panahon na pinag-uusapan na namin ni Ave – ng papa mo ang pagpapakasal. Sa katunayan, dinalaw na namin ang simbahan na pagdadausan ng kasal. Ang saya namin noon. Pati ang pagdarausan ng reception, pinlano na namin. Balak namin ang isang sikat na restaurant na malapit na malapit lang sa simbahan. Para hindi na mahirapan ang mga guest. Paglabas ng simbahan, lalakarin na lang ang patungong restaurant…’’
Tumigil si Carmina sa pagsasalita. Huminga.
“Pero alam mo ba ang nangyari? Isang linggo ang nakalipas mula nang gumawa kami ng plano, nasira na iyon. Nawala na si Ave sa akin. Iglap lang at nawala lahat ang mga magagandang pangarap namin sa hinaharap. Hindi na nagpakita sa akin si Ave mula noon. Dati, araw-araw ay pinupuntahan niya ako sa bahay, may dalang pizza, at magkukuwentuhan kami habang pinagsasaluhan ang dala niyang pagkain. Pero ang kasunod pala ng masasayang sandali ay kalungkutan…’’
Tumigil muli si Carmina sa pagsasalita. Bahagyang nangilid ang luha.
Saka nagpatuloy muli. Mas malungkot ang boses.
“Hanggang isang araw, bigla siyang dumating sa bahay. Mga two weeks siyang hindi nagpakita. Malungkot siya. Hindi na nagpaliguy-ligoy pa. Hindi na raw matutuloy ang mga plano namin. Patawarin ko raw siya. Nagalaw daw niya si Julia — ang mama mo. Hindi na raw niya puwedeng iwanan.
“Pakiramdam ko nang mga sandaling iyon ay nakalutang. Totoo ba? Parang hindi ako makapaniwala. Nagbibiro lang si Ave. Hindi totoo ang mga sinabi niya. Hanggang sa tumulo ang luha ko. Nalaglag sa paanan ko…”
(Itutuloy)