Kastilaloy (27)

“ALAM na ba ng mommy mo na nagkita na tayo?’’ tanong ni Carmina nang naupo na sa tabi niya si Garet.

“Opo Tita. Sinabi ko na natagpuan ko na ang bahay mo.’’

“Sinabi mo sa kanya ang mga ipinagtapat ko?’’

‘‘Hindi.’’

‘‘Bakit?’’

‘‘Saka na lang.’’

“Natatakot ka na magalit siya?’’

‘‘Parang ganun.’’’

‘‘Nag-aalala ka na baka hindi totoo ang mga sinabi ko sa iyong mommy?’’

Hindi makasagot si Garet. Ganun nga ang kanyang naisip. Baka naman hindi totoo ang lahat ay kung ano lamang ang mangyari.

“Sabagay nasa iyon ’yan, Garet. Kung naniniwala ka sa akin, fine, kung hindi, oks lang. Pero, ni minsan sa buhay ko, hindi pa ako nagsinungaling. Wala akong alam na nagsinungaling ako.’’

Nakatingin lamang si Garet. Seryoso si Carmina. Ito ang gusto niya rito. May awtoridad sa sinasabi. Prangka.

‘‘Naisip ko Garet, kung masama o hindi totoo ang sinabi ko sa mommy mo, sana nagalit ka na sa akin. Sana, nakipagbalitaktakan ka na sa akin dahil ang kapintasan ng mommy mo ang kinukuwento ko. Pero eto at nagbalik ka pa sa akin. Kung hindi ka naniniwala sana hindi ka na nagtungo rito. Tama ba ako, Garet?’’

Tumango si Garet.

“Sabi ko na nga ba! E di na-ni­niwala ka sa akin?’’

‘‘Hindi nga ako nagagalit sa’yo Tita e di naniniwala ako.’’

Nagtawa si Carmina.

‘‘Gusto kitang kakuwentuhan, Tita.’’

‘‘Ako man. Mabuti nga at naisipan mong pumunta.’’

“Wala rin kasi akong makakuwentuhan sa bahay.’’

“Nasan ang mommy mo?’’

“Umalis. Makikipagkita sa mga kaibigan. Para raw makalimutan ang pagkamatay ni Papa. Naikuwento ko na bang patay na si Papa, mahigit isang taon na?’’

‘‘Oo. Sinabi mo. Atake sa puso.’’

“Nalungkot si Mama sa pagkamatay ni Papa. Kaya gusto raw niyang maglibang-libang. Kaya laging lumalabas at nakikipagkita sa mga kaibigan. Nung isang gabi, halos umaga na nang dumating. Napasarap daw sa pakikipag-bonding.’’

Nakatingin lang si Carmina. Maya-maya, nang magsalita ay may panghihinayang.

“Kung kami pala ng papa mo ang nagkatuluyan e ’di biyuda na ako.’’

“Talaga bang umasa ka na kayo sana ni Papa?’’

‘‘Oo.’’

‘‘E bakit silang dalawa ni Papa ang nagkatuluyan?’’

‘‘Mahabang kuwento, Garet.’’

‘‘Gusto kong malaman, Tita.’’ (Itutuloy)

Show comments