Kastilaloy (21)

(Sequel ng Sinsilyo)

“NAKATIRA kami ni Mama sa bahay sa Blumentritt pero nang maremata iyon, umalis na kami. Akala nga ni Mama, iyon na ang kaparte ni Papa at hindi na kami mapapaalis. Pero nalaman namin na nakasangla pala sa banko ang bahay na’yun. Nang hindi mabayaran, hinatak. Napalayas kami,’’ sabi ni Carmina.

“Pero sabi po ng katiwala, ikaw po ang nagbenta.’’

Nagtawa uli si Carmi­na. Mapakla ang tawa.

“Akala nga siguro dahil ako ang laging kinakausap ng banko. Nang bawiin ng banko, wala na kaming nagawa. Umalis kami at dito na nga nakakita ng bahay. Kung ako ba ang nagbenta ng bahay sa Blumentritt, dito ako titira sa lugar na ito na bumabaha? Baka nasa Corinthian ako o Ayala-Alabang.’’

“Akala ko po sa inyo ang bahay, Tita.’’

“Inapi nga kami. Ayaw nila kay Mama kaya pati ako nadamay.’’

“Nasaan na po si Lola Amparo?’’

“Patay na. Mga isang ta­on makaraan kaming pa­­alisin sa bahay sa Blu­men­tritt. Palagay ko, na­a­­pek­tuhan si Mama sa nangyaring pagpapaalis sa amin. Kasi’y napamahal na sa kanya ang bahay. Dun kasi siya unang dinala ni Papa mula nang ikasal sila. Para bang naipangako sa kanya na iyon na ang bahay nila…’’ tumigil sa pagsasalita si Carmina. Huminga.

Nakatingin lang si Garet.

Pero hindi siya nakatiis at may tinanong, “Tita, ano ba talaga ang sakit ni Lolo Dionisio at nagkasira-sira ang buhay…’’

“Kakahiyang sabihin pero wala na naman siya kaya puwede nang ibulgar…”

“Ano po ‘yun?’’

“Mahilig sa bata si Papa.’’

“Pedophile?’’

“Parang ganun. Pero hindi na naman bata ang mama mo nang pasukin sa kuwarto at paghihipuan.”

“Ano po kayang sakit niya?’’

“Basta mahilig siyang mamboso at magparaos at ang kinagigiliwan niya ay mga menor-de-edad. At balita ko, bukod sa mama mo, pati yata ang batang maid nila noon ay pinakialaman din ni Papa o Kastilaloy.’’

“E Tita, mabuti po at hindi ka pinagtangkaan ng sarili mong ama?”

“Kung hindi siya lumayas sa aming tirahan sa Blumentritt baka… baka…’’

Nakatingin lang si Garet. Gustong sabihin ni Carmina na baka nagalaw siya. Baka pinakialaman siya.

“Mabuti na lamang at binantayan ako ni Mama. Mabuti na lamang at matatag si Mama kahit na inapi ng mga Polavieja…”

(Itutuloy)

Show comments