Kastilaloy (9)
“OO nga! Maaaring may nalalaman ang taong nagpalibing kay Tiyo Dionisio o Kastilaloy tungkol sa mga alahas,” sabi ni Mama Julia na nangingislap ang mga mata.
“Palagay ko, may nalalaman sila Mama,” sabi ni Garet. “Malay natin kaya maganda ang libingan ni Kastilaloy ay dahil nagbenta ng alahas. Di ba sabi mo, mga antigo ang alahas, baka isang piraso lang nun ay hundred thou na.’’
“Puwede! Kaya kailangan, makita mo ang taong nagpalibing kay Kastilaloy para malaman natin kung nasaan ang mga alahas. Pinaka-importante ay yung kuwintas na pag-aari ni Papa – ni Lolo Fernando mo.’’
“Paano kung wala pala silang alam sa mga alahas? Baka lumabas na pinagbibintangan natin sila Mama?’’
“Hindi mo naman siyempre dideretsahin na nasaan ang alahas ni Kastilaloy. Unti-unti mong dadalahin sa isyu na iyon. Una siyempre itatanong mo kung paano nila nakilala si Kastilaloy. At bakit sila ang nagpalibing.’’
“A, okey. Nakuha ko na ang ibig mong sabihin Mama.’’
“Tapos unti-unti mong dalahin ang usapan sa alahas. Yung mild lang ang pagdadala sa topic na ’yun.’’
“Ang isang naiisip ko e baka binenta na. Mahirap na nating marekober yun.’’
Napabuntunghininga si Mama Julia.
“Kung ganun ang nangyari, wala na tayong magagawa. Pero parang may kutob ako na makikita pa natin ang mga alahas, lalo na ang kuwintas na may picture ng mga parents nina Papa.’’
“At sana, mababait ang mga taong nagpalibing kay Kastilaloy. Ang mahirap ay baka mga pilosopo at kung anu-ano ang hingin sa atin dahil sila ang nagpalibing kay Kastilaloy. Baka pabayaran sa atin ang ginastos sa pagpapalibing at sa lote sa memorial park. Palagay ko, Ma, mga aabutin ng milyon ang nagastos sa libingan. Maganda kasi Mama.’’
Napabuntunghininga muli si Mama Julia. Inisip ang mga sinabi ni Garet. Mukhang may problema kapag ganoon ang nangyari.
“Kung ganoon ang mangyayari, e di huwag mo na lang hanapin ang mga alahas. Baka ang mangyari, pagbayarin tayo sa mga ginastos kay Kastilaloy pero wala naman pala ang mga alahas. Baka nang mapunta sa kanila si Kastilaloy ay walang-wala nang dala kahit kapirasong alahas. Talo tayo.’’
Nag-isip si Garet. Posible ang sinabi ng kanyang mama.
“Bahala na Mama.’’
“Anong bahala?’’
“Bahala na kung hahanapin ko ang taong nagpalibing kay Kastilaloy.’’
“Hayaan mo na nga. Baka mapasubo ka lang kapag tinuloy mo.’’
Pero sinunod ni Garet ang iniuutos ng kanyang utak. Nagtungo siya sa memorial park at bakasakaling makita roon ang taong nagpalibing kay Kastilaloy.
Pero nagulat siya nang makitang nakakandado na ang musuleo ni Kastilaloy.
(Itutuloy)
- Latest