NATUWA si Mau sa bagong natuklasan ni Gaude ukol kay Kastilaloy na ang apelyido pala ay Polavieja. Hindi na magiging kawawa si Kastilaloy sapagkat maililibing na ito na may apelyido. Naniniwala si Mau na mayroon pang kamag-anak si Kastilaloy sapagkat sinabi nito sa kanya noon na mayroon itong asawa at anak bagamat hindi sinabi kung nasaan ang mga ito at ano ang dahilan at nagkahiwalay. Hindi rin malinaw kung bakit nagpalabuy-laboy si Kastilaloy at kung bakit mayroon itong mga alahas na antigo. Hindi rin malaman kung ang anak nito ay babae o lalaki. Hindi rin malaman kung saang lugar nagmula – kung dito ba sa Maynila o sa probinsiya.
“Matalino ka talaga Gaude at natuklasan mo ang apelyido ni Kastilaloy,” sabi ni Mau habang tinatapik ito sa balikat.
“Mabuti nga po at may picture sa palawit ng kuwintas. Kung wala e di sana ay wala siyang apelyido.’’
“Paano nga kaya natin malalaman pa ang kamag-anak o ang sinasabing asawa ni Kastilaloy?’’
“Ako po ang bahala, Tito.’’
“Pero huwag mo munang ipo-post sa FB ha. Maraming manloloko ngayon.’’
Tumango si Gaude.
“Siyanga po pala, Tito Mau, tapos na kaya ang paglilibingan natin kay Kastilaloy?”
“Tapos na. Binisita ko kahapon sa memorial park. Ang ganda ng paglilibingan niya. Pangmayaman talaga. Mabuti nga at marami siyang naiwang sinsilyo at iyon ang ginamit. Sobra-sobra pa ang mga sinsilyo.’’
“Kailan po natin ililibing si Kastilaloy?”
“Sa isang linggo na --- Sabado. Mga alas dos ng hapon. Para matapos na ang mga problema natin. Hangga’t hindi naililibing si Kastilaloy parang mayroon pa rin tayong dinadala. Mabuti na ring manahimik na rin ang matanda.’’
“Oo nga po. E si Lyka po, ano na po ang balita sa kanya?”
“Wala na akong alam. Di ba nagbigti siya sa bilangguan. Hayaan na lang natin siya. Siguro, may kamag-anak naman siya.’’
Napatango na lang si Gaude.
SUMUNOD na linggo, inilibing na nina Gaude si Kastilaloy. Sila lang nina Tito Mau, Lolo Kandoy, Enchong at 10 matatanda ang nagli-bing. Napakaganda nga ng libingan ni Kastilaloy. Pang-mayaman. Bagay sa pagi-ging Kastilaloy. Napakinabangan ang maraming sinsilyo na itinago niya. Ibinuhos lahat doon ni Mau ang naiwang sinsilyo. Ginastos lahat.
Matapos ang paglili-bing, umalis na sila. Magaan na ang kanilang dibdib lalo na si Mau na inilibing na rin ang lahat ng mga sama ng loob. Paalam, Kastilaloy.
ISANG araw, isang magandang babae ang dumalaw sa libingan ni DIONISIO POLAVIEJA, alyas Kastilaloy. Maganda ang babae, sexy, makinis, may pagka-Espanyola ang beauty.
Natuwa ang babae nang matagpuan ang libingan ng kanyang lolo. Salamat at natagpuan niya!
(Bukas, abangan ang buhay ni kastilaloy, sequel ng Sinsilyo.)