PINAGTULUNG-TULU-NGAN nilang iahon sa hukay ang baul na puno ng mga barya. Nahirapan silang iahon dahil sa bigat. Kinailangan pang bawasan ng laman ang baul para maiangat. Pawisan sila bago tuluyang naitaas ang baul.
“Alam ko na kung kanino ang mga baryang ito!” Sabi ni Lolo Kandoy.
“Kanino Lolo?’’
“Kay Kastilaloy!’’
“Paano mo natiyak, Lolo?’’
Nasa ganoon silang pag-uusap nang pumasok si Mau. Nagulat ito sa nakita.
“Ano yang baul na ‘yan? Ba’t ang daming barya?”
“Nahukay po namin, Tito Mau. Dito po sa gitna ng kuwarto ni Lolo Kandoy.’’
“Ba’t nagkaroon niyan d’yan? Sinong nagbaon? Hindi ba antique na baul yan.’’
“Opo Tito. Pero ang laman pong mga barya ay hind antique. Mga kasalukuyan pong barya, mga pipisuhin po at lilimang pisuhin.’’
“Kanino ‘yan?’’
Si Lolo Kandoy na ang sumagot. Tiyak na tiyak sa pagsasabi.
“Kay Kastilaloy ito Mau, sigurado ako.”
“Paano mo nasiguro Tata Kandoy?’’
“Itong kinaroroonan ng hukay na ito ang mismong kuwarto ni Kastilaloy -- ni Dune.’’
Hindi makapagsalita si Mau. Nag-iisip. Saka biglang napangiti at nagsalita. “Oo nga! Ito ngang bahaging ito ang kuwarto ni Tatang Dune o ni Kastilaloy.’’
‘‘Kaya nga sigurado ako na ang mga baryang ito ay kay Kastilaloy. Wala nang ibang may-ari nito kundi siya. Kasi’y madalas din akong makarinig na nagpupukpok siya. May hinuhukay.’’
“Ganun ba?’’
“Mga ilang gabi ko rin na narinig ang pagpukpok niya. Tapos ay wala na akong narinig.’’
Pinagmasdan ni Mau ang antique na baul. Sinuri-suri. May inaalala. Saka biglang nagsalita. “Tama! Kay Kastilaloy nga ito. Natatandaan ko ang baul na ito. Dala niya ito noong kupkupin ko siya. Madalas siyang nakatambay sa labas ng dati kong bahay. Itong baul na ito ang pinagla-lagyan niya ng mga gamit niya. Nang ampunin ko siya, dinala na niya sa loob ang baul. Pero hindi ko na nakita mula noon. Akala ko nga tinapon na niya ito.’’
“Pero antque po ito di ba, Tito Mau? Baka po mahal ang halaga nito. Collectors item po ito.’’
Pinagmasdan muli ni Mau ang baul. Oo nga. Maaaring mahal na ang halaga ng baul.
(Itutuloy)