Sinsilyo (246)

“GAUDE, halika at may sasabihin ako sa’yo,” sabi ni Mau. Paalis na si Gaude para pumasok sa school.

“Ano po ‘yun, Tito Mau?”

“Gusto ko, sunduin mo ang iyong Tatay sa probinsiya. Gusto ko dito na siya tumira!”

Hindi makapaniwala si Gaude. Totoo ba ang narinig niya? Sa ilang taon nang pagtira niya rito sa Maynila, ni minsan ay hindi pa siya nakakauwi para makita ang kanyang tatay. Pawang sa sulat lamang sila nagkakakumustahan. Noon, naipangako ni Mau na bibigyan ng cell phone ang kanyang tatay pero dahil sa mga nangyari --- pinalayas siya sa bahay dahil kay Lyka at Kastilaloy, hindi iyon natupad. Hanggang sa mangyari nga ang pagkasunog ng bahay.

“Totoo po Tito Mau?”

“Oo. Matatapos na ang bahay na ipinagagawa natin at gusto ko, kasama na natin siya sa pagtira roon.’’

“Sige po, Tito Mau. Tamang-tama po kung dito na titira si Tatay, makakadalo siya sa graduation ko.”

“Ha? Ga-graduate ka na? Magiging teacher ka na?’’

“Opo! Next month po ay magmamartsa na ako.’’

“Aba akala ko next year ka pa ga-graduate. Sino nga pala nagbayad ng tuition mo noong pinalayas kita?’’

“Si Lolo Kandoy po. Pati ang bayad sa boarding house siya rin ang su­magot.’’

“Napakabuti talaga ni Tata Kandoy. Super Lolo talaga siya. Marami talaga tayong utang na loob sa kanya. Ako iniligtas niya, ikaw naman, hinanap niya.’’

“Opo Tito Mau. Super Lolo talaga si Lolo Kandoy. Wala siyang kapantay.’’

“Kung hindi niya ako na­iligtas sa sunog, abo na lang ako, he-he-he!’’

“At ako naman po kung hindi niya pinagpilitang hanapin ay baka taong grasa na. O baka drug addict na ako dahil ang mga batang palaboy ang kasama ko. Nang makita ko nga po siya ay hindi ko napigilang umiyak. Akala ko, wala nang pag-asang makita siya at maipagpatuloy ang nasimulan kong buhay. Gusto ko mang umuwi sa probinsiya ay hindi ko magawa dahil wala akong perang pamasahe.’’

“Dapat pala ipagpatayo ko ng rebulto o monumento si Tata Kandoy. Para kapag nakikita natin ang rebulto ay maaalala natin siya.’’

Nasa ganoon silang pag-uusap nang pumasok si Tata Kandoy. Nakangiti ito.

“Ako bang pinag-uusapan n’yo?”

(Itutuloy)

Show comments