Sinsilyo (239)
HINDI pa makapagsalita si Mau pero sa ekspresyon ng mukha at galaw ng mata ay humihingi ng patawad kay Gaude.
“Si Gaude ang mag-aalaga sa ‘yo Mau. Kasi hindi ko na rin kayang alagaan ka.’’
Tumango si Mau.
“Maghahalili kami ni Gaude. Sa umaga ay ako ang mag-aalaga sa iyo at sa hapon ay siya. May klase kasi siya sa umaga.’’
Tumango muli si Mau. Gumalaw-galaw ang mga mata.
“Ipagpapatuloy ko rin naman ang pagpapalimos para makatulong sa gastusin natin.’’
May sinenyas si Mau kay Gaude. Humihingi ng bolpen at papel. Kumuha ng bolpen at papel. May isinulat. Hirap na hirap isulat. Nang basahin ni Gaude, account number ng banko. Pinagwi-withdraw siya. Kumuha raw si Gaude ng withdrawal form at pipirmahan niya. Tumango si Gaude.
May pera pala sa banko si Mau. Hindi naman pala lubusang hikahos. May naipon pala ito.
May isinulat muli si Mau sa papel. Nang basahin ni Gaude, sinasabing huwag nang mamalimos si Tata Kandoy. Tama na raw. Mayroon naman siyang pera sa banko.
MAKALIPAS ang ilang buwan, unti-unti nang nakakapagsalita si Mau. Pautal-utal pero malinaw.
Humingi ito ng sorry kay Gaude.
“Sorry sa nangyari. Nasaktan kita.’’
“Kalimutan mo na yun, Tito Mau.”
Parang iiyak si Mau.
(Itutuloy)
- Latest