MAKALIPAS ang ilang araw, nasilip na ni Gaude si Mau. Bawal pa rin ang bisita. Nasa ICU pa rin ito. Pero sabi ng mga doctor, nakalampas na sa kritikal na kalagayan. Magiging mahaba ang gamutan.
“Ayun si Mau! Grabe ang nangyari sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang itsura niya kapag naalis ang mga benda.’’
“Kawawa naman si Tito Mau. Ako na ang mag-aalaga sa kanya, Lolo Kandoy.’’
“Paano ang pag-aaral mo?’’
“Sa hapon naman ang pasok ko. Paglabas ko sa gabi, deretso na ako rito hanggang umaga.”
“Walang kamalay-malay si Mau na ang magbabantay sa kanya ay ang inapi at sinaktan niya. Tingnan mo nga naman ang buhay. Kaya hindi ka dapat basta-basta mananakit ng kapwa. Kahit sa salita, huwag mong basta-basta sasaktan ang kapwa.’’
Nakatingin lang si Gaude kay Lolo Kandoy. Naalala niya ang mga nakaraan nang walang awa siyang bugbugin ni Mau. Puro pasa ang mukha niya at pati ang tagiliran. Dahil lamang iyon sa walang katotohanang pagsusumbong ni Kastilaloy. Hindi na siya tinanong ni Mau. Suntok, sampal at sipa agad ang binigay sa kanya. Hindi siya lumaban. Ano ang laban niya kay Tito Mau? Tinanggap niya lahat ang parusa sa kasalanang hindi naman niya ginawa.
“Hindi ka dapat sinaktan ni Mau. Dapat nag-imbestiga muna siya. Dapat tinanong niya ako at ang iba pang matanda. Kaya nga sobra rin ang galit ko sa kanya. Talagang ang balak ko, huwag na siyang iligtas, pero nakonsensiya ako. Kapag pala malinis ang budhi mo, kahit na ano pang sama ng taong nagkasala, hindi mo matitiis. Iyon ang dahilan kaya iniligtas ko siya.’’
“Tama ang ginawa mo Lolo. Kung hindi mo siya iniligtas at namatay si Tito Mau, malaki ang pasanin mo. Baka hindi ka makatulog sa kaiisip. Baka laging magpapakita sa’yo si Tito Mau.’’
“Oo nga. Mabuti nga at nakonsensiya ako.’’
“Ano kaya ang masasabi ni Tito Mau kapag nalamang ang sumunog ng bahay ay si Lyka?”
“Baka hindi niya mapatawad si Lyka?’’
“Tapos ang dahilan pala kaya sinunog ang bahay ay para maka-claim sa insurance.’’
“Baka patayin siya ni Mau pag magaling na ito.’’
“Pero palagay ko nagtatago na si Lyka.”
“Malay mo baka ako ang hinahanting niya. Ako ang nagligtas kay Mau di ba?”
(Itutuloy)