“ILAN daw Sir ang na-matay?’’ tanong ni Gau-de sa lalaking naabutan sa lugar ng sunog.
“Hindi ko alam, Brod. Kararating ko lang kasi. Basta ang narinig kong usapan ay matanda raw ang namatay. Nakulong daw sa kuwarto. Hindi agad nakalabas dahil matanda na nga.’’
Nanlamig ang katawan ni Gaude. Si Lolo Kandoy kaya ‘yun?
“Sige Brod, aalis na ako.’’
“Salamat Sir.’’
Umalis na ang lalaki.
Nanatili si Gaude sa kinatatayuan at tinanaw ang bahay na nasunog. Ang natira na lamang ay ang pader na halos tupok na rin at maa-ring magiba dahil sa tinamong init sa sunog. Saan kayang lugar ng bahay natagpuan ang sinasabing biktima ng sunog? Sa likod kaya ng bahay? Kung sa likod ng bahay, tiyak na hindi lamang iisa ang biktima. Maraming matanda sa likod ng bahay. Napailing-iling si Gaude pagkatapos. Muli nakadama siya ng panlalamig sa buong katawan. Kinikilabutan siya.
Tinanaw ni Gaude ang tirahan ng mga matanda. Halos wala nang natira sa tirahan. Sunog na sunog ang mga yero. Maninipis din kasi ang mga yerong bubong at ang mga ginamit na dingding ay manipis na plywood. Madaling nasunog at nakulong ang matatanda. Maaaring nagising ang mga ito pero wala nang nagawa dahil malaki na ang apoy.
Sinulyapan ni Gaude ang bahaging nilagyan ng bahay-bahayang lata ni Kastilaloy kung saan ay binobosohan nito si Lyka sa banyo. Wala na rin iyon. Tupok na tupok. Maski ang mga lata ay wala na rin.
Napatungo si Gaude. Muli nakadama siya nang kakaibang lamig sa buong katawan. Nanghihilakbot siya sa nangyari.
Ipinasya na niyang umalis. Gusto niyang malaman kung ilan talaga ang nasunog o namatay?
Pero wala naman siyang mapagtanungan. Ang mga naroon ay pawang nakikiusyuso rin at naghahanap ng kung anu-anong mapapakinabangan sa lugar.
Iniisip niya kung kanino magtatanong ukol sa mga biktima ng sunog. Habang nagla-lakad ay naisip niyang magtungo sa police station para makaku-ha ng balita. Pero hindi niya alam kung saan ang presinto ng pulis. Hanggang sa maisip niyang sa barangay na lamang magtanong. Tiyak na mayroong alam ang barangay.
Nagmamadali siyang nagtungo sa barangay na di kalayuan sa lugar na pinangyarihan ng sunog. Gusto niyang makatiyak kung ilan talaga ang biktima. Gusto niyang malaman kung ang biktima ay si Lolo Kandoy.
Nang magtungo siya sa barangay, nagulat siya nang makita ang mga taong nasa covered court ng barangay. Iyon ang mga sagot sa kanyang katanu-ngan.
(Itutuloy)