NAKASILIP pa rin si Tatang Kandoy sa awang ng pinto at nakikita at naririnig niya ang ginagawa at pinag-uusapan nina Kastilaloy at Lyka.
Nakumpirma ni Tatang Kandoy kung bakit gustong ipapatay ni Lyka si Mau kay Kastilaloy: dahil sa pambababae ni Mau at pananakit nito sa kanya. Sobra na raw ang ginagawa ni Mau kay Lyka. Gusto niyang gumanti kay Mau at si Kastilaloy ang gagawa niyon.
At kapag naisagawa na ang plano, sila na raw ang magsasama. Payag si Lyka na makisama sa matandang Kastilaloy.
Narinig pa ni Kandoy ang mga huling panana-lita ni Lyka: “Basta huwag mo akong idadawit kapag nagawa mo na ang lahat Tatang. Hindi tayo magkakilala. Basta wala tayong alam sa isa’t isa.’’
Tumango si Kastilaloy. Maya-maya, ipinatong muli ang palad sa hita ni Lyka. Pumaitaas ang palad hanggang sa humantong sa pagitan ng mga hita.
“Ikaw na ang bahala kung anong klase ang gagawin mong pagyari, Tatang.’’
Tumango lamang si Kastilaloy habang hinihimas ang nasa pagitan ng mga hita ni Lyka.
“Wala na akong interes sa mga sinsilyo, Tatang. Sa iyo na ang mga iyon. Mas mahalaga sa akin ay makaganti kay Mau.’’
Tumango muli si Kastilaloy habang nakababad ang palad sa pagitan ng mga hita ni Lyka.
Hindi tumutol si Lyka sa ginagawa ni Kastilaloy.
Ipinasya naman ni Kandoy na umalis na sa pagsilip sa awang ng pinto. Tama na ang mga nakita at narinig niya. Wala na siyang iba pang nais ma-laman. Marahan siyang umalis at lumabas ng bahay at nagtungo sa kanyang kuwarto.
Nahiga siya. Binabalikan ang mga nakita at narinig. Saka naisip, hindi na pala siya dapat maghiganti kina Kastilaloy, Lyka at Mau. Sila-sila na pala ang magpapatayan. Kapag napatay si Mau, nakaganti na rin si Gaude. At kung mahuhuli si Kastilaloy at Lyka dahil sa pagpatay, mabibilanggo sila at para na rin siyang nakaganti sa mga ito.
Sabihin kaya niya kay Gaude ang mga natuklasan? Dapat pa kayang malaman nito o huwag na lang.
Pero hindi siya mapa-kali. Nagtungo siya sa boarding house ni Gaude at ipinagtapat dito ang natuklasan.
Hindi makapaniwala si Gaude.
(Itutuloy)