TUMIGIL si Tatang Kandoy sa paglalakad at lumingon. Nakita niya si Kastilaloy na malapit pa rin sa pinto ng kuwarto ni Lyka. Isinara niya ang pinto ng kuwarto. Humakbang si Kastilaloy patungo sa kinatatatayuan ni Kandoy.
“Kanina ka pa rito, tonto?” tanong nito.
“Ngayon lang Dune.’’
“Bakit ka narito? Anong ginagawa mo rito?”
Mabilis na nakapag-isip ng dahilan si Kandoy.
‘‘Naghahanap ako ng mga sako, Dune.’’
“Sako? Anong gagawin mo sa sako?”
“May ilalagay ako Dune. May sako ka ba? Mga apat na sako ang kailangan ko.’’
“Anong gagawin mo sa sako, estupido!”
“A e paglalagyan ko ng mga damit na luma. Ido-donate ko sa mga biktima ng Yolanda.’’
“Huwag mo akong lokohin ha? Masama ang mangyayari sa iyo! Magsabi ka ng totoo.’’
“Nagsasabi naman ako ng totoo, Dune. Kailangan ko talaga ng sako para paglagyan ng mga damit. May alam ka bang mga sako, Dune. Ibigay mo sa akin at paglalagyan ko ng mga damit.’’
Napahagikgik si Dune. Parang minamaliit si Kandoy.
“Anong damit ang ipamimigay mo e pawang gulanit na ang mga sinusuot mo? Dapat nga ay ikaw ang bigyan ng damit, he-he-he!”
“Marami akong lumang damit sa baul, Dune. Kaysa mabulok o anayin lang idodoneyt ko na lang sa mga biktima ng bagyo.’’
“Marami kang tsetse-buretse! Baka kung ano ang binaba-lak mo at naghahanap ka ng mga sako.’’
“Hindi Dune, talagang kailangan ko ng sako. Baka may alam kang apat na sako.”
Nag-isip si Kastilaloy.
“Bakit hindi ka maghanap sa kuwarto mo, tonto? Doon ka maghanap at huwag dito. Baka mabulahaw si Lyka ay mayamot ‘yun at palayasin ka rito.’’
“Wala naman akong sako sa kuwarto, Dune.”
“Meron.’’
“Wala, Dune.’’
“Meron sa ilalim ng katre mo.’’
“Ba’t mo alam, Dune?’’
“Ay sa alam ko e. May reklamo ka?”
“Wala, Dune. Nagtatanong lang!”
(Itutuloy)