Sinsilyo (204)

WALANG kamalay-malay si Kastilaloy na nakita siya ni Tata Kandoy. Nagkaroon na agad ng hinala si Tata Kandoy na may masama na namang nangyayari. At palagay niya, may panibago na namang niluluto ang dalawa. Ang hindi niya masiguro ay kung may kaugnayan ang mga sinsil­yo at ang apat na basyo ng sako na nakita niya sa ilalim ng kanyang katre. Pero palagay niya, mas malalim ngayon ang ginagawa ng dalawa. Maaaring may kinalaman kay Mau.

Dapat malaman niya ang ginagawa ng dalawa. Susubaybayan niya mula ngayon ang dalawa. Kapag natuklasan niya, ito na ang magiging ganti sa ginawa nilang kasamaan kay Gaude. Mabubulgar ang anumang binabalak nila.

Mula nga noon, lagi nang nakasubaybay si Tatang Kandoy sa mga kilos nina Kastilaloy at Lyka. Inalam muna niya kung talagang wala si Mau sa bahay. Wala nga si Mau sapagkat ilang araw na niyang hindi nakikita. Maaaring nasa malayong lugar at nagtatrabaho. Ang alam niya, nagtatrabaho na uli itong driver-bodyguard sa dating amo. Iyon ang pagkakaalam niya.

Lagi siyang nasa kusina ng bahay at kunwari ay nag­huhugas ng mga pinggan. Mula nang pinalayas ni Mau si Gaude, siya ang itinoka sa paghuhugas ng pinggan. Ang pagluluto ay itinoka naman kay Lolo Amboy. Kaya pa namang magluto ni Lolo Amboy.

Kahit na nahugasan na ang lahat nang pinggan ay hinuhugasan ulit ni Lolo Kandoy para lamang masubaybayan si Kastilaloy at si Lyka. Kailangang may gawin siya para hindi mahalata ni Kastilaloy na nagmamatyag siya. Kailangang huwag siyang mahalata ni Kastilaloy kundi’y tapos siya. Masisira ang plano niya. Mahihirapan na siyang matuklasan kung ano ang misteryo nina Kastilaloy at Lyka.

Pero ilang araw nang nagmamatyag si Lolo Kandoy ay wala pa rin siyang natitiyempuhan. Mailap ang pagkakataon. Ni hindi nga niya nakita si Kastilaloy para lumabas sa kuwarto nito.

Pero hindi sumuko si Lolo Kandoy, tiyak na mag-uusap uli ang dalawa. Tiyak na pupunta muli si Kastilaloy sa room ni Lyka.

Kung anu-ano pa ang naisip niyang gawin. Nag­linis siya ng kusina. Winalisan at nilampaso ang sahig. Inalis ang mga nakatambak na lata sa ilalim ng mesa.

Hanggang isang tang­hali na naghuhugas siya ng pinggan ay nakita niyang nagmamadali si Kastilaloy sa pagtungo sa room ni Lyka.

Pasimple niyang binitiwan ang mga hinuhugasan at sinundan ng tingin si Kastilaloy.

Pumasok ito sa room ni Lyka. Hindi na isinara ang pinto. Nakaawang lang.

Iniwan na ni Lolo Kandoy ang hinuhugasang pinggan at dahan-dahang nagtungo sa pintuan ng room ni Lyka. Hindi siya gumagawa ng ingay at baka mabulabog ang dalawa. Masisira ang plano niya.

Nang nasa may pinto na siya, sinilip niya kung ano ang ginagawa ng dalawa.

Nakaupo sa gilid ng kama si Kastilaloy at katabi si Lyka. Nag-uusap sila.

Malakas ang boses ng dalawa. Parang tense ang boses ni Lyka.

“Ano Lyka, kailan natin isasagawa ang plano?’’ tanong ni Kastilaloy na parang nagmamadali na isagawa na ang kanilang napag-usapan.

“Maghintay ka lang Tatang Dune. Malapit na malapit na.’’

‘‘Naiinip na kasi ako Lyka.’’

‘‘Huwag kang mainip Tatang.’’

‘‘Kasi gusto ko nang maka-“ano uli’’ sa ‘yo.

Nagtawa si Lyka.
Si Lolo Kandoy naman ay hindi pa rin ganap na malaman kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa.

Ipinagpatuloy pa rin niya ang pakikinig.

(Itutuloy)

Show comments