Sinsilyo (196)

NAGULAT si Lyka sa paglapit ni Kastilaloy. Hindi inaasahan ang paglapit ng matanda. Parang natakot. Galing sa banyo si Lyka.

‘‘May sasabihin ako Lyka, importante,” sabi ulit ni Kastilaloy.

Pero sa halip na tumigil si Lyka ay nagpatuloy ito sa paglakad. Umiwas kay Kastilaloy. Nagmamadali para makapasok sa kuwarto nila ni Mau.

‘‘Lyka, may sasabihin lang ako,” sabi pa ng matanda pero nakapasok na si Lyka sa pinto. Naiinis na siya kay Lyka.

Hindi na sumunod pa si Kastilaloy sapagkat maari siyang mahuli ni Mau. Nagbalik siya sa kuwarto at nag-isip ng paraan kung paano makakausap si Lyka.

Ginagalit talaga siya ni Lyka. Sinusubukan siya. Gusto na talaga nito na magkabulgaran ng baho. Kung dumiretso na nga kaya siya kay Mau at sabihin ang baho ni Lyka. Sasabihin niya kay Mau ang pagpunta ni Lyka sa kuwarto ni Gaude at ang pagdedeposito ng mga barya sa banko. Ibubuking na niya. Labasan na ng mga itinatago. Si Lyka rin naman ang nagsimula nang lahat, hindi ito tumupad sa kanilang usapan. Niyaya pa siya sa kuwarto pero atubiling ipahipo ang “ano” niya. Nagbago ng pasya. Halata niya na nilalansi siya ni Lyka. Gusto siyang paglalangan nang malanding babae.

Nasa ganoong pagmumuni-muni si Kastilaloy nang may biglang kumatok sa pinto.

Asar si Kastilaloy na binuksan iyon.

Si Tata Kandoy ang kumatok.

‘‘O anong kailangan mong estupido ka?’’ tanong ni Kastilaloy.

“E mayroon lang akong sasabihin, Dune.’’

“Ano yun tonto?’’

‘‘Hindi muna ako magpapalimos ngayon, Dune dahil masakit  ang tuhod ko. Nirarayuma ako. Ang sakit!’’

“Hindi puwede, kailangang magpalimos ka. Isusumbong kita kay Mau.’’

“Ngayon lang naman, Dune. Bukas puwede na ako.’’

“Hindi puwede!’’

“Hindi ako maka-lakad Dune.”

“Umaarte ka lang eh.’’

Biglang sinipa ni Kastilaloy ang tuhod ni Tatang Kandoy. Napaaringking sa sakit   si Tata Kandoy.

Pero inulit pa ni Kastilaloy ang pagsipa.

‘‘Aray ko!’’

(Itutuloy)

Show comments