TAMA si Lyka, hinayang na hinayang talaga si Kastilaloy.Malapit na sana niyang makuha ang gusto ay nabulilyaso pa. Ang akala niya ay magtatagal si Mau sa pinuntahang trabaho pero ngayon ay eto na. Akala niya, niloloko siya ni Lyka. Bigla kasi niyang naisip na parang umiiwas si Lyka na ipahipo ang dibdib nito. Totoo naman palang dumating. Kung nagkatotoo ang kanyang hinala na niloloko siya, ibubuking na niya ito kay Mau. Sasabihin na niya ang mga ‘‘lihim’’ ni Lyka. Sasabihin niya na hindi naman talaga pinasok ni Gaude si Lyka. At ipagtatapat din niya ang pagnanakaw ni Lyka ng mga barya na idineposito sa banko.
Pero pagbibigyan pa niya si Lyka. Hindi muna niya ito isusumbong. Baka lang nagkataon talaga na biglang dumating si Mau kaya nasira ang plano. Pero sayang talaga dahil kung hindi dumating si Mau, nahipo na sana niya ang dibdib ni Lyka. Kailangan ay mahipo na niya iyon. Kailan kaya aalis uli si Mau?
KINABUKASAN, nakikiramdam si Kastilaloy sa galaw ni Lyka at Mau. Pag-umalis si Mau, tiyak na matutuloy na ang pinapangarap niya. Wala nang maidadahilan si Lyka. Pero kapag pumayag na si Lyka, dapat ibigay naman niya ang mga barya na nasa apat na punda ng unan. Paniwala ni Lyka, talagang puno ng mga barya ang apat na punda. Bahala nang mag-isip nang paraan kung paano magbibigay ng barya.
Pero lumipas ang ilang araw, hindi pa umaalis si Mau. Inip na inip na sa paghihintay si Kastilaloy. Baka hindi na aalis si Mau.
Lalong nanggigigil si Kastilaloy kapag nakikitang galing sa banyo si Lyka. Kung wala si Mau, dapat sa kuwarto niya dederetso si Lyka.
Naging malikot pa ang imahinasyon ni Kastilaloy. Naisip niya, ano kaya at pag-alis ni Mau ay pasukin na niya ito sa kuwarto? Para hindi na makatanggi. (Itutuloy)