Sinsilyo (138)

“O ba’t natigilan ka?” tanong ni Lyka kay Gaude.

“Po? A e wala po.’’

“Magbilang ka uli ng barya ha. Mga fifty thou.’’

Tumango si Gaude.

“Matatapos mo mamayang gabi?’’

Hindi makasagot.

“Ano ba Gaude, matatapos mo ba mamaya?’’

Tumango lang.

“Huwag mo akong inisin Gaude. Masama ang mangyayari sa’yo. Hindi ako nagbibiro. Kapag sinabi ko, ginagawa ko. Kinakausap ka nang maayos e hindi ka sumagot nang maayos. Lintik ka ah!’’

Pero walang reaksiyon si Gaude. Parang wala siyang narinig. Pinalampas lang niya sa kabilang taynga ang mga pagmumura ni Lyka. Hindi na siya gaanong natatakot kay Lyka.

“Basta tapusin mo ang pagbibilang ng barya mamaya. Naiintindihan mo ako Gaude?”

Tumango si Gaude pero hindi tumitingin kay Lyka. Ipinagpatuloy ang paghuhugas ng plato.

Umalis na si Lyka at nagtungo sa silid nito.

Nagtataka si Gaude kung bakit pinagbibilang uli siya. Nagahaman na si Lyka. Ano kaya ang gagawin sa hundred thou na dineposito sa banko? Baka damit, alahas, relo at kung anu-ano pa ang binili.

Kinulang kaya ang hundred thou kaya nagpapabilang pa ng fifty thou?

KINAGABIHAN, sinimulan ni Gaude ang pagbibilang ng barya. Wala siyang magawa kundi ang sumunod kay Lyka. Magbibilang siya ng fifty thou.

Makaraan ang kalahating oras, narito na si Lyka. Tinatanong kung marami na siyang nabilang. Tiniyak kung matatapos ngayong gabi.

“Kaya mong tapusin, Gaude?’’

Tumango si Gaude.

(Itutuloy)

Show comments