Sinsilyo (137)

ONE hundred thousand pesos ang halaga ng mga baryang ide­deposito ni Tita Lyka. Iyon ang pinakamala-king deposito mula sa mga baryang binilang ni Gaude. Si Tito Mau ay hanggang P30,000 lamang ang idinideposito at hinahati-hati pa ang pagdedeposito. Ngayo’y isang bulto ang dala ni Tita Lyka. Isang bagsakan!

Nag-isip si Gaude at naitanong sa sarili kung talaga bang alam o may permiso ni Tito Mau ang pagdedeposito ng pera. Pero duda si Gaude. Ayaw ngang papasukin ni Tito Mau ang sinuman sa room niya maski si Tita Lyka. Kaya hindi siya naniniwala na may permiso ni Tito Mau ang pagdedeposito ng mga barya na may malaking halaga. Sabi ni Tita Lyka, tinawagan daw niya sa cell phone si Tito Mau ukol doon. Sinabing dahilan ay ang pagbabayad ng tuition. At sino ba naman siya para tumutol sa gusto ni Lyka? At saka nga sinabi na huwag daw siyang magsusumbong ng kahit ano kay Tito Mau dahil masama ang mangyayari. Ilang beses inulit na huwag siyang magsusumbong. Kung alam ni Tito Mau ang tungkol sa barya, bakit kailangang balaan pa siya ni Lyka. Malakas ang kutob ni Gaude, sasarilinin ni Lyka ang P100,000. Napakalaking pera niyon! Saan kaya gagamitin ni Lyka? Pinaghirapang pagpalimusan nina Lolo Kandoy at iba pang matatanda at saka gagastusin lamang ni Lyka.

Gulung-gulo ang isipan ni Gaude. Kapag na­laman ni Tito Mau na malaking halaga ang nawala sa mga barya, baka siya ang pagbintangan. Kaya ang pinakamabuti ay isumbong na nga niya kay Tito Mau ang lahat nang ginagawa ni Lyka. Sabi nga ni Lolo Kandoy, huwag nang mag-urung-sulong sa pagsasabi kay Tito Mau. Isumbong na si Lyka. Pero ang problema, wala si Tito Mau. At hindi niya alam kung kailan ito darating. Gulung-gulo si Gaude. Parang may nakaambang tabak sa ulo niya.

Ganoon pa man, ipinagpatuloy pa rin niya ang mga ginagawa sa bahay. Pinilit kalimutan ang problemang nilikha ni Lyka. Hinugasan niya ang mga gagamitin sa pagluluto.

Makaraan ang isang oras, naramdaman niyang may nagbukas ng gate. Baka si Tito Mau na! Sumugod siya sa pintuan at sinilip kung sino ang dumating. Si Lyka pala. Naideposito na ang pera.

Binuksan niya ang pinto. Pagkatapos ay bumalik siya sa kusina at pinagpatuloy ang paghuhugas.

Naramdaman niya ang pagpasok ni Lyka at ang mabilis na pag­lapit sa kanya.

‘‘Gaude!’’ Tawag ni Lyka.

‘‘Po!’’

‘‘Magbilang ka uli ng mga barya --- mga fifty thou!’’

Natigilan si Gaude.

(Itutuloy)

Show comments