Sinsilyo (128)

KAPAG tinanong siya ni Lyka kung napatay na ang daga sa kuwarto, sasabihin niyang hindi pa. Tiyak na tatanungin siya ni Lyka sapagkat atat na atat na ito sa ipinabi-bilang na mga barya na nagkakahalaga ng one hundred thousand pesos. Ang daga ang gagawin niyang dahilan para hindi makapasok si Lyka sa kuwarto niya. Isa pa, “tatakawin” uli siya ni Lyka, ipakikita ang “kaangkinan” para mapuwersang tapusin ang pagbilang ng barya.

Balak ni Gaude, pa­abutin hanggang sa pagbalik ni Tito Mau ang paghahanap kuno sa daga. Isang araw na lamang at darating na si Tito Mau. Pagdating ni Tito Mau, wala nang makapipigil sa kanya para isumbong ang mga ginagawa  ni Lyka lalo na ang tungkol sa mga barya. Palagay ni Gaude, may malaking pagkakagastusan si Lyka kaya kailangan ng one hundred thousand. Baka may bibilhing mamahaling damit at sapatos o kaya ay alahas. O baka naman nagsusugal --- nagka-casino.

Hindi nagkamali si Gaude sapagkat maya-maya lamang ay kumatok na si Lyka sa pinto. Kabisado na niya ang katok ni Lyka.

“Gaude! Buksan mo ‘to!”

Binuksan niya pero maliit lang.

“Ano Gaude, nahuli mo na? Napatay mo na ang daga?’’

“Hindi pa po. Napa-kabilis pong tumakbo. Kaya nga po hindi ko binubuksan ang pinto.’’

“Buwisit naman! ‘Yung binilang mong  hun­dred thou nasan na?”

“Nasira po ang mga plastic na supot na pinaglalagyan ng mga barya habang hinahabol ko ang daga. Inuulit ko po uli…’’

“Buwisit talaga! Darating na bukas si Mau. Paano ko maide­deposito yan. Tapusin mo na!”

“Opo!”

“Patayin mo na kasi ang daga!” Sabi at umalis na. Isinara ni Gaude ang pinto.

 

KINABUKASAN, na­­ki­ramdam si Gaude kung dumating na si Tito Mau. Wala pa. Naghintay siya. Wala pa rin. Bakit kaya hindi pa ito dumarating? (Itutuloy)

Show comments