Sinsilyo (125)

NAPAATRAS si Lyka. “Gaude, alisin mo ang daga! Alisin mo ang daga!” Napahawak si Lyka sa braso ni Gaude.

Pero si Gaude man ay tila shock sa daga. At hindi niya alam kung patay o buhay ag daga.

“Alisin mo ang daga, Gaude! Alisin mo!’

Kumilos si Gaude. Dahan-dahang nilapitan ang daga. Sinipat-sipat. Patay na. Hindi na kumikilos.

Nang matiyak na patay na ay sinipa-sipa. Patay na nga ang daga dahil hindi kumikilos.

“Ano Gaude?”

“Patay na ito Tita Lyka!”

“Patay na? Bakit patay­?”

“Hindi ko po alam.’’

“Bakit bumagsak sa may pintuan?’’

“Baka po may nakain itong lason at dito sa may pintuan inabot ng kamatayan.’’

“Bakit dito napunta? Paano nakapasok ang daga?”

“Mahusay pong pumasok yan kahit sa maliit na butas. Siguro po nang makakain ng lason ay naghanap ng lungga at dito pumasok sa bahay.’’

“Nakakadiri! Ang dami palang daga rito!”

“Nagtataka nga po ako kung bakit may daga na rito at pumapasok pa sa bahay. Malinis naman po rito.’’

Lingid kina Gaude at Lyka, nasa madilim na bahagi ng kusina si Lolo Dune Kastilaloy at palihim na nagtatawa. Siya pala ang salarin! Siya ang nagdala ng daga sa may pintuan ng kuwarto ni Gaude.

“Takot na takot si Lyka, ha-ha-ha! Hindi naman malaman ni Gaude ang gagawin, ha-ha-ha! Siguro nabitin ang ginagawa nila, ha-ha! Palagay ko, nakapatong na si Gaude kay Lyka nang marinig ang paghagis ko ng daga, ha-ha-ha! Akala siguro nila, buhay pa ang daga. Hindi nila alam, nahuli ko yun nung isang araw pa sa kanal sa labas ng bahay. Alam kong magagamit ang daga. At eto na nga, nagka­totoo na nga, ha-ha-ha! Sige, bubulabugin ko lagi ang paglalampungan n’yo! Pagkatapos, isusumbong ko si Gaude. Sasabihin ko si Gaude ang pumapasok sa kuwarto para makipag­lampungan kay Lyka. Ka­ilangang mapaalis ko si Gaude rito.”

Natigil si Kastilaloy nang makitang pumasok na si Lyka sa kuwarto nito at si Gaude naman ay inaalis na ang daga gamit ang walis at dust pan. Sumiksik si Kastilaloy sa pinagtataguan at baka makita siya ni Gaude. Kapag pumasok na si Gaude sa kuwarto nito saka siya lalabas. Nagtawa nang lihim ang matanda. Tuwang-tuwa sa ginawa.

(Itutuloy)

Show comments