Sinsilyo (102)

MATAGAL na pinagmasdan ni Gaude si Lolo Dune Kastilaloy habang nakasilip sa maliit na butas na ginagawa noon. Pinaghahalili ni Kastilaloy ang kaliwa at kanang mata sa pagsilip sa butas. Hindi mapakali sa pagkakaupo ang matanda. Isang plastic na silya ang kanyang kinauupuan. Halos­ idikit na ng matanda ang mga mata sa maliit na butas.

Siguro’y mga 20 minuto na nakasilip si Kastilaloy bago ipinasyang ilayo ang mga mata sa butas. Nang ilayo ang mga mata, ibig sabihin, tapos na ang pinanonood. Saka kumilos na ito para tumayo.

Hindi na hinintay pang lubusang makatayo ang matanda at agad na umalis si Gaude sa kinatatayuan. Delikadong makita siya ng istriktong matanda. Kapag nahuli siya nito, malaking problema. Lalo na siyang pagsasalitaan nito nang masakit.

Mabilis na lumabas sa bahay na lata si Gaude at pumasok na sa kusina. Nang nasa kusina na, nakadama siya ng kaligtasan. Hindi siya nakita ni Kastilaloy. Libre na siya. Sumilip siya sa nakaawang na pinto ng kusina at nakita si Kastilaloy na lumabas sa bahay na lata.

Nasa ganoon siyang posisyon nang may tumawag sa kanya. “Gaude!’’

Nagulat siya. Si Lyka! Bagong paligo. Nakabalot ng tuwalya ang katawan. Nasasamyo ang kabanguhan. Kalalabas lang nito sa banyo.

‘‘O bakit para kang nakakita ng multo?’’

“Po? A e wala po, Tita Lyka.’’

‘‘Tapos na ako. Lilinisin mo ba ang banyo?’’

“Opo! Opo Tita!’’

Umalis na si Lyka.

Tinungo ni Gaude ang banyo. Nag-iisip siya. Naghihinala na siya kay Kastilaloy. Malakas ang kutob niya kung sino ang sinisilip nito sa butas. Bukas malalaman niya. Aalamin niya ang misteryo.

KINABUKASAN, oras ng paliligo ni Lyka, mabilis na nagtungo si Gaude sa bahay na lata. Malalaman niya kung sino ang sinisilip ni Kastilaloy.

Pero wala si Kastilaloy sa loob ng bahay na lata. Nasaan na kaya ang matanda?

Nang matiyak na wala ang matanda, pumasok siya at sinilip ang butas sa pader. Nagulat siya sa nakita. Si Lyka! Hubu’t hubad na naliligo. Siya ang sinisilip ni Kastilaloy!

(Itutuloy)

Show comments