Sinsilyo (91)
KINABUKASAN, nagulat si Gaude nang makita ang itsura ng mga nakasalansang lata na ginawa niya. Parang naging isang kuwarto! Nilagyan ng parang mga dingding. Kahapon parang kuweba lang ito pero ngayon ay isa nang kuwarto! Ano kayang naisip ni Lolo Dune Kastilaloy at gumawa ng kuwartong lata? Maraming lata na idinagdag si Kastilaloy dahil nagkaroon ng dingding.
Nasa ganoong pag-iisip si Gaude nang dumaan si Lolo Kandoy at nakita ang “kuwartong lata”.
“Sinong gumawa niyan, Gaude?”
“Si Lolo Dune po.”
“Bakit?”
“Hindi ko po alam. Kahapon po ay hindi ganyan yan. Ako po kasi ang inutusan ni Lolo Dune na isalansan ang mga lata pero hindi ganyan.”
“Aba ano kayang naisip ng ugok na Kastilaloy? Sira na siguro ang ulo.’’
“Nagtataka nga po ako kung bakit niya naisip yan.’’
“Baka diyan siya titira? Baka ayaw na sa kuwarto niya na puro ipis at surot.’’
“Hindi naman puwedeng tumira diyan, Lolo Kandoy.’’
“Kung gugustuhin niya e puwede. Nagawa nga niyang parang kuwarto. Kapag nilagyan ng bubong, puwede nang tirahan.’’
“Baka po pahingahan lang niya ‘yan.’’
“Baka mayroong naiisip na kabalbalan. Duda ako sa ginawa niyang ‘yan.’’
Nag-isip si Gaude. Ano naman kayang kabalbalan ang naiisip ni Kastilaloy?
(Itutuloy)
- Latest