NANG dumating si Mau, sinabi ni Gaude ang nangyari sa dalawang matanda.
Inis si Mau. Parang ayaw makarinig ng problema.
“Hindi pa ba natatapos ang problema ng dalawang yan? Lagi na lamang nagbabangay!”
“Nagpipilit po si Lolo Dune na makapasok sa kuwarto at gustong makita ang mga barya. Nakita po ni Lolo Kandoy at sinaway si Lolo Dune. Nagkasuntukan na po.’’
“Basagulero kasi itong si Tata Kandoy. Gusto e away agad kaya hindi sila nagkakasundo.’’
“Kasi po’y itinutulak ako ni Lolo Dune at parang gusto pa akong sapakin. Minura pa nga po ako nang ayaw kong papasukin.’’
Napailing-iling si Mau.
“Mabuti at hindi mo pinapasok. Ayaw kong may makakita ng barya sa kuwarto mo.’’
“’Yun po ang dahilan kaya nagkaroon ng bangayan. Tinulungan lang ako ni Lolo Kandoy.’’
“Hindi ko na alam kung ano ang gagawin sa dalawang matanda. Hindi naman maaaring paalisin. Hindi ko ugaling magpaalis ng matanda.’’
“E kung kausapin mo po kaya nang masinsinan ang dalawa. Siguro naman kapag nakausap mo, baka magkasundo.’’
Napailing-iling si Mau.
“Kinausap ko na ang mga ‘yan noon pa pero matitigas na ang bungo. Yung isa, mataas ang pride chicken at yung isa, madaling magalit na away agad ang hirit. Paano ko mapapagsundo e parehong ayaw magpatalo.’’
Natahimik silang dalawa.
Maya-maya, napansin ni Gaude na luma-bas sa kanilang room si Kyla at tumingin sa kanila. Parang inuulinig kung ano ang kanilang pinag-uusapan.
“Hayaan mo nga silang dalawa. Hindi naman siguro magpapatayan.’’
“Baka po matumba ang isa at tumama ang ulo sa sahig.’’
“Bantayan mo na lang kapag mag-aaway. Kapag nag-away at natiyempong nasa kuwarto ako, tawagin mo ako at ako ang aawat. Pag-uuntugin ko para matauhan, he-he-he!”
“Sige po, Tito Mau.’’
“Basta yung sinabi ko, huwag kang magpapapasok kahit sino.’’
“Opo.”
“Marami ka na bang nabilang na barya?’’
“Marami na po.’’
Nakita ni Gaude na papalapit si Kyla. Parang nagtataka kung ano ang pinag-uusapan nila ni Tito Mau. (Itutuloy)