“SIYANGA pala, Gaude, sinusunod ba ni Tata Dune ang instruction ko? Sabi ko sa kanya, dalhin niya rito ang mga latang may barya. Sinabi ko na sa room mo na nakalagay ang mga barya at inalis na sa lata,” tanong ni Tito Mau.
“Opo nagdala na po rito ng dalawang lata. Siguro hindi niya madala nang maramihan kaya dala-dalawa lang.’’
“Kung tulungan mo kaya na dalhin dito. Matanda na kasi si Tata Dune at mahina nang bumuhat.’’
“Baka po hindi puma-yag, Tito. Masakit pong magsalita si Lolo Dune. Baka po mapagsabihan ako.’’
“Ganun ba? Sige at pagsasabihan ko. May lahi kasing Kastila yun kaya kung magsalita ay akala narito pa ang mga guardia civil. Pagpasensiyahan mo na at matanda. Mga ilang taon na lamang ang ilalagi sa mundo.’’
“Mahilig pong magmura, Tito. Kung hindi lamang po ako nagpapasensiya e baka nasagot ko na siya. Para pong busabos ako kung pagsalitaan.’’
“Natatandaan mo ang sinabi ko noong ipinakiusap ka ng tatay mo sa akin para tumira rito at makapag-aral? Di ba ang sabi ko, kailangan ko ng taong masipag at mapagpasensiya. Sabi ng tatay mo, masipag ka at mapagpasensiya. Totoo naman yun at napatunayan ko. Sana dagdagan mo pa ang pa-sensiya.’’
“Opo Tito, kahit nga po pinagbintangan ako, e hindi na ako nagsalita pa. Tinimpi ko na lang.’’
“Anong bintang?”
“Huwag ko raw kukupitan ang mga barya. Kabisado raw niya ang dami ng barya sa lata. Isusumbong daw po ako sa’yo kapag kumupit ako.’’
“Hayaan mo na. Alam ko namang hindi ka kukupit. May tiwala ako sa’yo. Sige, dagdagan mo na ang pasensiya kay Tata Dune.’’
“Salamat po, Tito Mau.”
Lumabas na si Mau.
Nakahinga nang maluwag si Gaude. At least nasabi na niya ang mga masasamang pananalita ni Lolo Kastilaloy. At masaya rin siya dahil buo ang tiwala sa kanya ni Tito Mau. Tama si Tito Mau, huwag nang pansinin ang matandang Kastilaloy.
ISANG tanghali na wala siyang pasok sa school, ipinasya niyang magbilang ng mga barya. Sasamantalahin niya ang pagkakataon. Kailangang marami siyang mabilang at baka kailangan ni Tito Mau. Mukhang maraming pagbabayaran si Tito Mau kaya laging itinatanong kung marami na siyang nabilang na barya.
Abala siya sa pagbi-bilang nang makarinig siya ng sunud-sunod na katok sa pinto.
Tumayo siya at binuksan ang pinto.
Si Lolo Dune!
“Bakit po Lolo Dune?”
“Gusto kong makita ang mga barya!”
“E sabi po ni Tito Mau, walang ibang taong papasok dito. Utos po niya yun.”
“Papasukin mo ako, leche!”
Hindi malaman ni Gaude ang gagawin.
(Itutuloy)