NATUWA si Tito Mau kay Gaude dahil mabilis nitong nailipat ang mga barya. Malinis na sa kanyang kuwarto.
Nagulat ito nang makita ang bunton ng mga barya sa kuwarto ni Gaude. Paano raw bibilangin ni Gaude ang maraming barya? Makaya raw kayang bilangin?
“Pipilitin ko po Tito. Tiyagaan lang!”
“Pero huwag mong pababayaan ang pag-aaral mo. Baka dahil sa pagbibilang mo e hindi ka na makapag-review. Kung kailan ka lang libre.’
“Opo. Hindi ko pababayaan ang pag-aaral ko.’’
“Mayroon bang nakakita sa’yo nang hinahakot mo ang mga lata?”
“Wala po. Sigurado akong walang nakakita sa akin.”
“Mabuti naman.”
“Mayroon lang akong mga tanong Tito Mau.”
“Ano ‘yun?”
“Saan po ngayon dadalhin ang mga bagong pinagpalimusan ng mga matatanda? Sa kuwarto mo rin po ba?”
“Hindi! Dito na dadalhin sa kuwarto mo.”
“Si Lolo Dune po ang magdadala?”
“Oo. Sasabihin ko sa kanya na dito na dalhin ang mga latang may laman.”
“Hindi po kaya magreklamo si Lolo Dune?”
“Hindi magrereklamo ‘yun. Kung ano ang sabihin ko, yun ang gagawin niya.’’
“E paano nga po pala ang mga latang walang laman? Kanino ko po ibibigay?”
“Itambak mo sa labas.’’
“Baka po kagalitan ako at pagsabihang ‘tonto’. Masakit pong magsalita si Lolo Dune.’’
“Ako ang magsasabi sa kanya. Huwag kang mag-alala. Basta ang trabaho mo ay bilangin ang mga barya.’’
“Opo, Tito Mau.’’
Makaraang mag-usap, agad itinambak ni Gaude ang mga basyong lata sa labas.
Hindi siya nakita ni Kastilaloy, sa halip ang nakakita sa kanya ay si Lolo Kandoy. Gulat na gulat sa maraming basyong lata.
“Bakit mo inilabas ang mga ‘yan?”
Ikinuwento niya sa matanda ang lahat. Hindi niya tinupad ang sinabi ni Tito Mau na huwag ipagsasabi ang tungkol sa barya.
“Aba e di ang dami mong pera sa kuwarto. Mayaman ka na, ha-ha-ha!”
“Palagay ko po pagdating ng araw wala na akong tutulugan dahil napuno ng barya.
“Puwedeng mangyari iyon. Hindi kasi kami tumitigil sa pamamalimos.’’
“Oo nga po.’
“Siyanga pala, payo ko sa’yo, magsubi ka ng barya. Samantalahin mo ang pagkakataon…”
(Itutuloy)