MAY taong lihim na nakasubaybay kay Gaude kanina nang lumabas siya sa room ni Tito Mau. Nang makapasok si Gaude sa kanyang kuwarto ay ang taong sumusubaybay naman ang pumasok sa kuwarto ni Mau. May susi pala ito ng kuwarto. Isinara ang pinto. Makaraan ang may limang minuto, lumabas na ang tao. Parang nag-check lamang sa loob. Muling isinara ang pinto at saka umalis. Nawala sa dilim.
EKSAKTONG alas singko ng umaga nagising si Gaude. Gusto pa niyang matulog pero kailangang magluto na siya. Walang kakainin ang mga “alagang” matanda kapag hindi siya nagluto. Ginisang corned beef na may papatas ang niluto niya. Isinangag niya ang natirang kanin. Pagkatapos magsangag ay nagpakulo ng tubig para sa kape.
Naisip niya si Tito Mau. Nakarating kaya kaninang madaling araw? Hindi niya namalayan dahil pagbagsak ng kanyang katawan sa kama ay tulog agad siya. Baka naman nasa kuwarto at natutulog na si Tito Mau. Napapansin niya na madalas madaling araw na kung umuuwi si Tito Mau. Saan kay nagpupunta?
Naisip din niya ang sinabi ni Tito Mau na bibigyan siya ng cell phone. Ibibigay daw ang cell phone niya. Totohahanin kaya ang pangako? Sana nga. Siya lamang ang walang cell phone. Lahat nang kanyang mga classmates ay may CP. Sabi ni Tito Mau, maganda pa ang kanyang cell phone.
Nasa ganoon siyang pag-iisip nang may matandang pumasok sa kusina. May dalang plato at mug. Si Lolo Indo. Ito ang pinaka-maagang gumising. Ito ang laging kasama ni Lolo Kandoy. Madalas din na ito ang kakuwentuhan.
“Good morning po Lolo Indo.”
“Gud morning. Kakain na ako. Ang hapdi ng sikmura ko.”
“Akina po ang pinggan mo.’’
Isinahod ni Lolo Indo. Pinuno ni Gaude ng umuusok na sinangag. Pagkatapos ay sinandukan ng corned beef. Isinama sa ibabaw ng sinangag.
“Okey na po ‘yan, Lolo.’’
“Okey na Gaude. Sa-lamat.’’
“Andun po ang kape at asukal sa table. Ikaw na po ang magtimpla.’’
“Salamat, Gaude.”
“Salamat din po. Si Lolo Kandoy po gising na?”
“Ewan ko. Hindi pa siguro. Baka napuyat na naman iyon.’’
“Sige po, Lolo Indo.’’
Umalis na si Lolo Indo.
EKSAKTO alas otso natapos ang pagpapakain niya sa mga matatanda. Nakakain na lahat. Tamang-tama ang inihanda niyang pagkain.
Nang mag-alas nuwe-be, saka niya nakita si Tito Mau. Lumapit sa kanya. May iniabot. Cell phone!
“Eto na ang cell phone na pangako ko!”
Natuwa si Gaude.
“Salamat po Tito Mau!”
(Itutuloy)