Sinsilyo (48)

“MAU, mabuti’t narito ka na,” sabi ni Lolo Dune nang makalapit kay Mau. Tumigil sa pagpupunas ng suwe­lo si Gaude at tumi-ngin kay Lolo Dune.

“Bakit Tatang Dune? Ano ba ang pro­blema?”

“Susuntukin ako ng sinverguenzang si Kandoy! Palayasin mo na siya rito Mau!” Nanggigigil ang boses ni Lolo Dune. Akala ni Gaude ay tapos na ang problema sa dalawa. Hindi pa pala.

Hindi naman ma­kapagsalita si Mau. Hindi alam ang sasa­bihin sa pagkakataong iyon. Nabigla siya sa tila pag-uutos ni Lolo Dune. Talagang may dugong Kastila na ang bawat sabihin ay dapat sundin.

“Palayasin mo na  rito!’’ Sabi muli ni Lolo Dune na lalo pang ba-kas ang galit. Namula ang pisngi ng matanda.

“Hindi ako nagpapapalayas, Tatang Dune. Ang sinumang kusang dumating sa akin ay tinatanggap ko at kahit kailan ay hindi ko magagawang magpalayas. Kung kusang aalis, ay wala akong magagawa pero ang paalisin o palayasin ay hindi ko magagawa.’’

“Pero pawang sakit ng ulo ang binibigay ng estupido. Di ba alam mo naman na ang si­numang walang pakinabang at nagbibigay ng problema ay hindi na dapat arugain?’’

“Hindi ko po kayang magpalayas, Tatang Dune.’’

“Kahit pa may ginawa na sa’yong kabalbalan? Di ba may nawala na sa’yo? Ano pang dahilan para siya manatili rito?”

“Hindi ko nga ma­ga­gawang magpalayas, Tatang Dune?’’

“Sinverguenza!’’

“Mabuti pa po ay iwasan na lang ang isa’t isa. Huwag na kayong maglalapit para hindi na kayo nagbabangay.’’

“Gusto ko sana palayasin mo!”

Napailing-iling si Mau.

“Kung ayaw mo, ako na lang ang lala­yas!”

(Itutuloy)

Show comments