“HINDI nga ako ang tu-mae sa inidoro!” sabi ni Lolo Kandoy na ang litid sa leeg ay halos lumabas na dahil sa pagkainis o galit kay Lolo Dune.
“Sinverguenza!”
“Kastilaloy huwag mo akong ma-sinbergwensa, simbuwergensa at baka umbagin kita!’’
“Sige, ikaw na ang tumae sa kubeta na hindi nagbubuhos e ikaw pa ang may ganang magalit! Estupido!”
“Ulol!’’
‘‘Tonto ka animal!”
Sa pagkakataong iyon ay hindi na nakapagpigil si Lolo Kandoy at inambahan ng suntok si Lolo Dune. Pero maliksi si Lolo Dune at agad nahawi ang ambang suntok ni Lolo Kandoy. Pumorma muli si Lolo Kandoy para itulak si Lolo Dune.
Mabilis namang nakaharang si Gaude sa dalawang matanda kaya napigilan ang pagtulak.
“Ops, teka po, teka po! Huwag kayong mag-away!” sabi ni Gaude.
“Ulol kasi ang Kastilaloy na yan na lahat na lamang ng mga nangyayari rito ay ako ang may kasalanan. Wala na akong nagawang mabuti at lahat na lamang ay ako ang masama!”
“Estupido ka! Sinu-ngaling! Tonto!” sabi ni Lolo Dune na ang boses ay masakit na sa taynga.
“Lolo Dune, Lolo Kandoy, huwag po kayong mag-away. Ako na lamang po ang maglilinis ng kubeta n’yo huwag lang po kayong mag-away.’’
‘‘Uy huwag kang makialam dito ha? Hayaan mo siyang maglinis ng kubeta dahil siya naman ang tu-mae roon. Huwag mong lilinisin yun. Isusumbong kita kay Mau. Kung sino ang gumawa niyon siya ang maglinis. Sinverguenza!’’
“Hindi ako ang maglilinis dahil hindi ako ang tumae roon. Marami naman tayong gumagamit ng kubeta ah. Ako lang ba ang gumamit ng kubeta?’’
‘‘Ikaw lang ang nakita ko na huling gumamit. Ikaw ang dapat maglinis.’’
Naisip ni Gaude na hindi matatapos ang usapan kaya ang ginawa ay niyaya si Lolo Kandoy sa labas. Sumunod naman si Lolo Kandoy. Naiwan si Lolo Dune pero nagmumura pa rin. Huwag daw pakikialaman ni Gaude ang kubeta.
Nang nasa labas na sina Gaude at Lolo Kandoy, kinausap niya ito.
Tinanong kung siya nga ba ang gumamit ng inidoro at hindi binuhusan.
“Hindi nga ako. Pati ba ikaw ay naniniwala na ako ang tumae at hindi nagbuhos?’’
“Tinatanong ko lang po, Lolo.’’
“Hindi nga ako!”
“Halika po at ako ang maglilinis ng kubeta.’’
“Huwag! Ba’t mo gagawin ang hindi mo naman ginawa?’’
“Para po matapos na ang usapan.’’
Hindi makapagsalita si Lolo Kandoy.
Tinungo ni Gaude ang kubeta at binuhusan iyon. Nilinis na mabuti. Nang malinis na ay lumabas.
Nakaupo si Lolo Kandoy sa may labas ng kubeta. Malungkot.
(Itutuloy)