Sinsilyo (38)
“TANDAAN mo Gaude, lagi mong ila-lock ang main door para walang makadaan. Magdadala ka lagi ng susi,” sabi ni Tito Mau. Huwag mo ring kalilimutan na i-lock sa gabi ang bagong gawang gate. Baka diyan dumaan ang mga magnanakaw. Ang daming kawatan ngayon kaya ingat ka. Maraming mananakaw sa atin.’’
“Opo Tito Mau.’’
‘‘Kapag may nagpilit dumaan dito sa main door isumbong mo sa akin. May mga makulit na siguradong dadaan dito kahit doon ang daan sa kabila.”
“Paano po kung murahin ako. Baka sigawan ako gaya ni Lolo Dune?’’
‘‘Huwag mong pansinin, titigil din yun. Magtakip ka na lang ng taynga, he-he!’’
“Opo Tito Mau.’’
TAMA ang hula ni Gaude na ang unang magre-reklamo sa pagsasara ng main door ay ang Kastilaloy na si Lolo Dune.
Pinipilit buksan ng matanda ang pinto.
Napansin ni Gaude ang ginagawa ni Lolo Dune. Nagwawalis sa bakuran si Gaude.
‘‘Lolo sarado po ’yan, dito na po ang daan sa kabilang pintuan. Halika po, dito po!’’ sabi niya.
Nakatingin lang ang matandang Kastilaloy. Halatang yamot na ito. Napansin ni Gaude ang dalang supot.
“Dito po Lolo.’’
“Sinverguenza!’’
‘‘Si Tito Mau po ang may utos, Lolo.’’
Pero nakatingin lang ang matanda. Yamot ang ekspresyon ng mukha. Lalong naging mukhang aristokrata. Siguro nga’y may lahing Espanyol ang matanda.
Tinungo nito ang bagong daan na itinuro ni Gaude.
“Diyan na raw po dadaan ang lahat. Kasi po’y nadudumihan daw ang salas.’’
“Tonto!” Sabi nito pagkapasok.
Hindi na pinansin ni Gaude ang matanda. Naalala niya ang sinabi ni Tito Mau noong pumayag ito na isama siya rito sa Maynila. Kailangan daw ay mapagpasensiya at matiyaga sa ibibigay na trabaho. Totoo nga. Kailangan nga ang pasensiya sa mga matatanda. Kaya naman niya ang magpasensiya at makapagtitiyaga siya basta makapag-aral lang. Kaya niya ang mga pagsubok na darating sa kanya.
Ilan pang matanda ang nagkamali sa pagbubukas sa main door pero madaling nakaunawa at walang reklamo. Tanging si Lolo Dune ang nagalit sa bagong direktiba.
(Itutuloy)
- Latest