“MAGPAPAGAWA ako ng ibang daan ng matatanda. Para hindi na sila dadaan sa salas. Gaya niyan, maputik ang paa e itinapak pa sa makintab na tiles. Paano kung ebak ang nayapakan e di ambaho rito sa loob!’’ sabi ni Tito Mau na nakatingin sa mga bakas ng paa na pinupunasan ni Gaude.
“Ikaw po ang magpasya.’’
“Puwede namang magpagawa sa gilid. Yung kasyahan lang ang isang tao. Pagpasok nila sa gate hindi na sa main door papasok kundi sa maliit na gate na ipagagawa. Wala namang wawasakin. Magpapagawa na lamang ako ng maliit na grills para sa gate. Okey yun di ba? Pabor sa’yo dahil hindi na sila papasok dito. Ang lilinisin mo lang ay ang kusina dahil doon sila pumapasok kapag kukuha ng pagkain. Okey siguro ang naisip ko ano, Gaude?”
“Opo. Okey po Tito Mau.’’
“Kasi’y tingnan mo ang nangyari sa sahig, ang kintab e biglang tinapakan ng paang putikan. Saan kaya nanggaling ang matandang tumapak?’’
“Baka po may natapakang malambot na lupa sa labas.’’
“Baka nga. Yung bumabagsak sa mga trak ng basura.’’
“Oo nga po.’’
“Palagay ko si Tatang Kandoy ang may gawa niyan. Parang ka-size ng paa niya ang bakas.’’
Hindi nagsalita si Gaude.
“Sige tapusin mo na ang paglilinis. Bukas, hahanap ako ng gagawa sa maliit na dadaanan sa gilid. Kailangan pala sementuhan ang dadaanan dahil magpuputik kapag umulan.’’
“Opo tatapusin ko na po.’’
Tinapos ni Gaude ang paglilinis.
Pagkatapos ay tinuloy ang ginagawang pagluluto ng almusal. Nagsasangag siya ng kanin at naggisa ng sardinas.
Maya-maya pa nagdatingan na ang matatanda bitbit ang kanilang mga pinggan.
Nilagyan niya bawat isa. Si Lolo Kandoy na naman ang pinaka-huli. Pero bago niya binigyan ng sinangag at sardinas ay tinanong niya ito.
“Lolo, ikaw ba ang dumaan sa salas kanina na maputik ang paa?”
“Hindi ako!” sagot nang nagulat na matanda.
(Itutuloy)