“SINO po ang unang matanda na inampon mo?” tanong ni Gaude na pa-rang nasabik malaman ang tungkol sa mga matanda.
“Si Tatang Dune. Yung matanda na madalas tumambay dito sa salas. Yung mukhang Kastilaloy at suplado.”
“A opo.Yung mada-ling magalit at madalas magsabi ng tonto. Siya po yung nagalit nang itatapon ko ang mga latang basyo na nasa ilalim ng mesa.”
“Siya ang una kong ampon. Naratnan ko siya diyan sa may gate na nakatalungko. Akala ko namamalimos. May mga dala sa plastic bag. Binigyan ko ng P20. Kinabukasan, nang palabas ako, nandiyan pa rin. Sabi sa akin, puwede raw ba siyang tumira rito. Sabi ko baka nahihibang at nagugutom. Baka naman nagbibiro lang. Akma kong aabutan uli ng pera pero sabi sa akin, ampunin ko na raw siya. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi naman ako DSWD. At saka baka may naghahanap na kamag-anak ay kasuhan pa ako ng kidnaping o kung anumang kaso. Pero nagmakaawa. Naawa na rin ako. Bahala na. Pinapasok ko. Matino naman pala dahil sinabi ang pangalan. Dionisio raw ang pangalan niya at Dune ang palayaw. Mula noon dito na siya tumira. Pinakain ko at binigyan ko ng mga damit kong pinaglumaan.’’
“Hindi po sinabi kung taga-saan siya at kung may mga kamag-anak?”
“Ayaw sabihin. Hindi ko na pinilit.’’
“E si Lolo Kandoy po, paano mo naampon?’’
“A nakakatuwa yang si Tatang Kandoy. Bigla ring sumulpot yan. Talagang kumatok sa gate na para bang itong bahay ko ay tuluyan ng matanda. Nakangiti sa akin. Ampunin ko raw siya! Dahil mabiro, natuwa ako. Tinanggap ko. Bahala na. Mula nang tumira rito, parang nagkaroon nang buhay dahil masayahin nga siya.
“Nagkasunud-sunod pa ang pagdating ng mga matanda. Tanggap ako nang tanggap!”
(Itutuloy)