NAGSAING at nagluto muna ng gulay si Gaude bago umalis. Kailangang nakahanda ang pagkain ng mga matatanda bago siya umalis. Ayaw niyang may masasabi sa kanya si Tito Mau. Nang nakahanda na ang pagkain ay naligo siya. Masiglang-masigla siya. Naisip niya, hindi naman pala nalimutan ni Tito Mau ang pangakong pag-aaralin siya. Akala niya, hindi tutuparin ang pangako. At kaya pala siya pinagbibilang ng mga barya ay iyon ang gagamiting pang-tuition niya. Mabait si Tito Mau. Pantalong maong at polo ang isinuot niya. Nang makapagbihis ay inihanda ang mga dadal-hing dokumento. Isa-isang binuklat at baka may may malimutan. Pagkatapos ay inilagay sa isang brown envelope.
Eksaktong alas nuwebe na. Siguro naman, bago mag-alas dose ay narito na siya. Malapit lang naman ang unibersidad na balak niyang pag-enrolan. Mga 15 hanggang 20 minutes lang daw. Sabi ni Tito Mau, deretsuhin lang ang kalsada sa kanto na kinaroroonan ng bakery na binilhan niya ng pandesal.
Lalabas na siya ng bahay nang may sumutsot sa kanya. Lumingon siya. Si Lolo Kandoy!
“Saan ka papunta Gaude?”
“Sa school po, Lolo. Mag-eenrol po.’’
“Mag-aano?”
“Mag-eenrol po sa school.”
“A, nga-yon na?’’
“Opo.’’
“Mabuti at mag-aaral ka. Sige, pero anong oras ka babalik?”
“Alas dose po.”
“Paano kami kakain?”
“May pagkain na po.’’
“Mabuti. Sige, mamaya kakain ako.’’
“Opo.’’
“May pamasahe ka?”
“Meron po.’’
“Eto o may sampung piso pa ako rito. Pamasahe mo.’’
“Huwag na po.’’
“Sige na. Tanggapin mo.’’
Tinanggap ni Gaude.
“Salamat po, Lolo.’’
Umalis na siya.
Habang naglalakad, naisip niya na mabait pala ang matanda.
Kinse minutos lamang lakarin ang patungo sa unibersidad. Nagtanong siya sa guard kung saan ang registrar. Itinuro sa kanya.
Suwerte siya! Nag-o-offer ng Education course. Tamang-tama sa kanyang hilig. Binasa niya ang requirements. Lahat ay dala niya.
Wala pang alas onse, kumpleto na siya. Magbabayad na lang ng tuition sa pagbalik niya.
Habang naglalakad pauwi, masayang-masaya siya. (Itutuloy)