DALAWANG oras ang biyahe patungo sa bayan nina Sam. Habang nasa biyahe, masayang-masaya si Abdullah habang katabi si Sam sa upuan. Itinuturo ni Sam sa ama ang mga lugar na dinadaanan. Wala ring patid sa pagtatanong si Abdullah ukol sa mga nangyayari sa bansa. Naitanong din kung ano ang magandang negosyo rito. Nagbiro na baka gusto niya ritong mag-retire. Tuwang-tuwa naman si Sam sa sinabi ng ama. Gusto nga niya na dito mag-retire si Abdullah. Mas maaalagaan niya ito. Masisiguro raw ni Sam ang magandang kalusugan ng ama. Napangiti si Abdullah. Tinapik-tapik sa braso si Sam at may ibinulong dito. Napangiti si Sam sa binulong ng ama.
Nakatingin naman si ImelÂda at Numer kina Abdullah at Sam. Maski si Aya ay natutuwa ring pagmasdan ang ginagawa ng ama. Maligaya si Aya sapagkat nakita rin niyang maligaya ang kanyang asawa. Wala na siyang mahihiling pa sa Diyos sapagkat natupad din ang kanyang kahilingan para sa asawa.
HANGANG-HANGA si Abdullah sa bahay na pinuntahan sa probinsiya. Maayos na maayos iyon. Laging malinis sapagkat mayroong nagbabantay. Mula nang mamatay sina Lolo Nado at Lola Cion, ipinaayos ni Sam ang bahay. Ipinangako niya sa dalawang matanda noong nabubuhay pa na hindi pababayaan ang bahay. Ang bahay ay nasa isang maluwang na bakuran na may mga tanim na manggang kalabaw na hitik na hitik sa bunga. Mga tanim pa iyon ni Lolo Nado.
Nang pumasok sila sa loob ng bahay, lalong humanga si Abdullah sapagkat napakaganda ng pagkakaayos ng salas. Makintab na makintab ang sahig. Sa dingding ay nakasabit ang mga naka-frame na larawang ng mag-asawang Nado at Cion. At katabi niyon ang naka-frame na larawan ni Cristy. Maganda si Cristy.
Titig na titig si Abdullah sa larawan.
‘‘My mom.â€
Nakatingin pa rin si Abdullah sa larawan ni Cristy.
(Itutuloy)