Halimuyak ni Aya (459)

HINDI maipaliwanag ni Imelda kung bakit masaya siya makaraang makipag-usap kay Numer. Bukod sa masayang kausap ay naaaliw din siya sa pagbi­biro nito. Hindi niya namalayan nang lumipas ang ilang oras sa pakikipag-usap kay Numer. Naka­dama siya nang pagkapahiya dahil ito pa ang tumawag. Nagastusan pa tuloy si Numer. Sinabi naman niya rito na siya ang tatawag pero naunahan siya. Madaling-araw pa tumawag. Tahimik daw kasi pag madaling-araw.

Inaamin ni Imelda na ngayon lang siya na­aliw sa pakikipag-usap sa lalaki. Paano naman ay nagtanim din siya ng galit sa mga lalaki dahil sa ginawa sa kanya ng nobyo noon na nagngangalang Melchor. Paanong hindi siya magagalit ay niloko siya ni Melchor. Hindi lamang pala siya ang nobya nito. Pinag-ukulan niya nang labis na pagmamahal si Melchor pero sinira ang kanyang pagtitiwala. Napakasama ng ginawa sa kanya ni Melchor. Binuntis ni Melchor ang isa pang nobya. At wala itong nagawa kundi pakasalan ang nabuntis. Nagawa pang magpaliwanag ni Melchor sa kanya, na natukso lang daw siya sa babae kaya nabuntis ito. Hindi naman daw niya talagang gusto ang babae. Siya raw ang talagang mahal ni Melchor.

Gusto niyang sampalin si Melchor nang sabihin iyon. Paano siya maniniwala sa sinasabi nito? Siya raw ang mahal makaraang mambuntis ng ibang babae habang magkasintahan sila. Pero hindi na niya sinampal at hindi rin pinagmumura si Melchor makaraang ipagtapat ang pagkakabuntis sa babae. Ano pa ang silbi kung magalit o sampalin niya ang taksil na si Melchor? Nangyari na ang lahat. Nakabuntis na siya.

Ang tanging nasabi niya kay Melchor noon ay: “Umalis ka na, Melchor.” Sinabi niya iyon nang marahan. Umalis si Melchor na lag­lag ang balikat. Nagsisisi sa nangyari. Hanggang sa mabalitaan niya na ikinasal nga si Melchor sa nabuntis. Hindi niya matatakasan ang responsibilidad sa babae dahil mga pulis pala ang mga kapatid nito.

Mula noon, nagtanim na si Imelda ng galit sa mga lalaki. Dahil sa ginawa ni Melchor, ang tingin niya sa mga lalaki ay pawang manloloko. Naipangako na rin niya na hindi na iibig pa. Sarado na ang kanyang puso. Magpapakatandang dalaga na lamang siya. Tama na ang isang masakit na karanasan na dinulot ni Melchor.

Hanggang sa lumipas ang maraming taon.

Pero ngayong nagka­kilala sila ni Numer, parang kinalimutan na ni Imelda ang pangako. Paano’y masayang kausap si Numer­. At binata pa raw sa edad na 58. Hindi raw nagsi­sinungaling si Numer. Bi­natang-binata raw siya.

Maski sa pagtulog, na­aalala niya si Numer. Napapangiti siya. Ano kaya ang itsura ni Numer. Nahihiya naman siyang tanungin. Baka isipin na “atat” siya.

Nakatulog si Imelda sa pag-iisip kay Numer. Mula nang magkausap sila ni Numer lagi nang masarap ang kanyang pagtulog. At wala na rin ang mga nararamdaman niyang sakit sa katawan.

(Itutuloy)

Show comments