Halimuyak ni Aya (454)

NAKANGITI si Imelda habang iniimadyin kung paano magkikita sina Doc Sam at ang amang Saudi na si Commodore Abdullah Al-Ghamdi. Yayakapin ni Doc Sam ang ama at masaya siyang tatanggapin ni Abdullah. Kitang-kita niya sa ekspresyon ng dalawa ang matinding pagkasabik sa isa’t isa. Hindi maitatago na nananalaytay sa kanila ang iisang dugo. Ganun pala kapag nagkita ang mag-ama sa unang pagkakataon. Nakakaiyak ang tagpo.

Napangiti muli si Imelda. Kahit hindi pa niya alam kung paano at kung saan magkikita ang mag-ama ay nasisiyahan na siya. Kahit sa imahinasyon lamang ay natutuwa na siya at malakas ang kutob niya na mangyayari ang kanyang mga iniisip. Sabi nga, ang lahat nang magagandang iniisip ay nagkakaroon ng katuparan. At maganda ang kanyang naiisip para kina Doc Sam at Commodore Abdullah kaya walang dahilan para hindi ito magkaroon ng katuparan.

Kung magkakaroon ng katuparan ang pagkikita ng mag-ama, ngayon pa lamang siguro magkakaroon ng istorya na isang Saudi ang kumilala sa kanyang anak mula sa isang Pinay. Bagama’t hindi maganda ang nangyari kaya nabuntis ang Pinay, marami rin naman marahil ang makauunawa sa nangyari. Ang isang magandang kuwento ay nalaman na may pagmamahal din pala si Abdullah sa Pinay na si Cristy (ang ina ni Doc Sam). Patunay na hinanap ni Abdullah si Cristy habang nasa shelter ng Philippine Embassy. Hindi nga lang nito nakita si Cristy dahil itinago ng ibang Pinay sa pag-aakalang babawiin at ibabalik sa bahay. Tumakas kasi noon si Cristy makaraang mangyari ang pagtatalik at isa pa buntis na nga ito. Ang pagtungo ni Abdullah sa shelter ay isang patunay na mayroon siyang espesyal na damdamin para kay Cristy.

Napangiti muli si Imelda. Na-wish niya na magkatotoo lahat ang iniimadyin niya para kina Doc Sam at Abdullah Al-Ghamdi. Isa siya sa magiging maligaya pagnagkatotoo ang pagkikita ng dalawa.

 

BIYERNES. Tinawagan muli ni Imelda si Noime. Makikibalita siya kung mayroon nang bagong balita na nakuha si Tikboy, asawa ni Noime.

“Ate Imelda, good news, sa sunod daw na Biyernes ay makakausap mo na ang kaibigan ni Tikboy. Ibibigay ko ang CP number ni Tikboy at kayo na ang mag-usap. Kasi Ate, pupunta si Tikboy sa housing ng kaibigan sa Rawdah. Kaya doon mo tawagan. Okey ba sa’yo Ate? Maraming magandang balita ukol kay Abdullah.”

“Oo, Noime. Sige ibigay mo sa akin ang number ni Tikboy.’’

Ibinigay ni Noime ang number.

Natapos ang kanilang usapan.

Sumunod na Biyernes, tinawagan ni Imelda si Tikboy. Katabi na pala ni Tikboy ang kaibigan na empleado ng Saudi Navy. Numer ang pangalan.

(Itutuloy)

Show comments