MATAPOS ang pag-uusap nila ni Noime, nag-isip at nangamba naman si Tita Imelda na baka masamain ni Sam ang ginagawa niyang pagsaliksik sa ama nitong Saudi. Baka ayaw na ni Sam na magkaroon ng kontak sa ama. Minsan, nasabi ni Sam sa kanya na hangad lamang ay makita ang picture ng amang Saudi at maliban lamang doon ay wala na. Katwiran ni Sam, imposible nang magkita silang mag-ama. Napakalawak ng Saudi Arabia na parang naghahanap ng aspile sa malawak na disyerto. Kaya sa picture na lamang niya ito pagmamasdan. Natuwa nga nang makita ang larawan ng ama na pinadala ni Noime noon. Napakaguwapo raw pala ng kanyang ama. Kamukha nga siya ng ama.
Pero ano ang magagawa niya ngayong si Doc Paolo na ang humiling sa kanya na magsaliksik ukol kay Abdullah Al-Ghamdi. Makakatanggi ba siya kay Doc Paolo at sa asawang si Dra. Sophia gayung napakabait sa kanya ng mga ito. Ipinangako ni Doc na siya ang gagastos sa mga pagtawag na gagawin sa Riyadh. Huwag daw mag-alala si Tita Imelda at si Doc ang gagastos kahit magkano. Maski si Dra. Sophia ay atat na rin sa kalalabasan ng ginagawa nilang paghahanap sa ama ni Sam.
Naisip naman ni Tita Imelda na isang malaking tagumpay kung magagawa niya ang iniuutos ni Doc Paolo. Kapag nagkakilala sina Sam at ama nitong si Abdullah isang magandang kuwento iyon. Imagine, makikita ng isang Pinoy ang kanyang amang Saudi pagkaraan ng 26 na taon. Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Sam kapag nakita ang amang Saudi. Baka hindi ito makapagsalita. Baka nakatitig lang sa ama.
Hanggang ipasya ni Tita Imelda na ipagpatuloy ang pagsaliksik kay Abdullah. Walang makapipigil sa kanya. Gagawin niya ang lahat. Si Noime ang makaÂtutulong sa kanya para matuklasan kung nasaan si Abdullah Al-Ghamdi.
EKSAKTONG isang liggo ang lumipas. Tinawagan ni Tita Imelda si Noime. Gulat na gulat si Tita Imelda sa binalita ni Noime.
‘‘May nakilala pong Pinoy si Tikboy na nagtatrabaho sa Royal Saudi navy. Ito po ang maghahanap kay Commander Abdullah Al-Ghamdi.’’
“Salamat sa Diyos. Salamat sa’yo Noime.’’
(Itutuloy)