Halimuyak ni Aya (365)

ILANG beses pang hinanap ni Sam sa cell phone kung may record ang pagtawag ni Doktora Sophia pero wala talaga. Hindi siya makapaniwala sa nangyari. Sino kaya ang tumawag sa kanya kung hindi si Doktora? O guniguni lamang niya ang lahat? Hindi kaya sa Mama Brenda ang tumawag?

Ganoon man, malaki ang pasasalamat ni Sam sa misteryosong tawag na iyon. Kung walang tumawag sa kanya ng oras na iyon, tiyak na mayroong nangyari sa kanila ni Julia. Pareho na silang “nadadarang” ni Julia at nagpapatangay na lamang siya. Gusto na rin niyang matikman ang matagal nang inaalok ni Julia. Tao lamang siya at lahat nang tao ay nagkakasala. Pero kung matikman man niya si Julia, hindi pa rin ito ang mahal niya. Tanging si Aya ang mahal niya. Pero mas masakit kapag natuklasan ni Aya na nakipagrelasyon siya kay Julia. Masisira na ang pagtitiwala sa kanya ni Aya. At kapag nasira ang pagtitiwala, mahirap nang maibalik iyon.

Naisip din niya, kapag “natikman” niya si Julia, tiyak na uulit ang kanilang “pagtitikiman”. Lalasapin uli nila ang sarap ng pagtatalik. Masarap ang bawal na relasyon. Hindi na siya titigilan ni Julia hangga’t hindi nasisira ang relasyon nila ni Aya. Gagawin ni Julia ang lahat para siya ang manalo. Ganun ang nakikita niya sakaling natuloy ang “pagtitikiman” nila ni Julia.

Nakaligtas siya sa pakikipagrelasyon kay Julia dahil sa “mahiwagang tawag” ni Doktora. Kaya nga labis ang pasasalamat niya sa mabait na doktora. Naidalangin niyang tuluy-tuloy na ang paggaling nito. Marami siyang gustong sabihin kay Doktora Sophia at isa nga roon ay ang “mahiwagang tawag’’.

 

EKSAKTONG isang buwan mula nang ma-stroke si Dra. Sophia ay nagulat sina Sam at Aya nang dalawin ito. Nakapagsasalita na ang mabait na doktora.

“Magaling ka na po, Tita?’’ tanong ni Sam.

“Oo. Medyo,’’ sagot ni Doktora

“Nakapagsasalita ka na, Tita. Salamat at maga-ling ka na.’’

“Marami pa kasi akong dapat gawin kaya binigyan pa ako ng pagkakataong mabuhay. Napakarami ko pang dapat sulatin at kung anu-ano pa.’’

“At saka po, ikaw ang ma­giging ninang namin sa kasal, Tita,’’ sabi ni Aya.

‘‘Talaga? Sige, gusto ko nga makasal na kayong dalawa.’’

“Once na makapasa po ako sa Board Exam, pakakasal kami, Tita.’’

“Alam n’yo mas matutuwa ako kapag nakita  ang magiging baby n’yo.’’

Tuwang-tuwa sina Aya at Sam. Hindi nila akalain na ganoon ang turing sa kanila ni Doktora. Parang anak na sila ni Doktora.

(Itutuloy)

Show comments