Halimuyak ni Aya (343)

“ANG dami naman ng  dala n’yong pagkain,’’ sabi ni Dra. Sophia nang makita sina Sam at Aya na may bitbit na pagkain.

“Para po masaya tayo, Doktora, este Tita po pala, sorry.’’

‘‘Sinorpresa n’yo  akong dalawa, pero ganyan ang gusto ko.’’

‘‘Okey lang po ba Tita, kasi baka mayroon kang sinusulat na libro e makakaabala kami ni Sam.’’

“Ay naku hindi, tapos na ang sinusulat ko. Kahapon ko na-final. Next week for printing na ‘yun. Bibigyan ko kayo ni Sam.”

“Salamat po Tita.’’

“Halina  kayo rito sa kitchen. Dito natin ilatag sa mesa ang mga dala n’yo. Meron ba kayong dalang kakanin?’’

‘‘Meron po Tita. Pinasadya pa po namin itong Sinukmani from Mindoro. Napakasarap po. Kaluluto lang.’’

‘‘Talaga. Matagal na akong hindi nakakain niyan. Iyan ba yung biko?’’

“Opo. Pero mas masarap po ang nasa ibabaw na latik. Crispy latik.’’

“Ay sa pangalan pa lang ay natatakam na ako.’’

‘‘Meron na po kaming ulam na dala kung magugustuhan mo Tita.’’

“No problem, Aya. Hindi ako pihikan. Kahit ano, okey sa akin.’’

“Nag-aalala po kasi si Aya dahil baka hindi mo magustuhan ang putahe,’’ sabi ni Sam.

“Ganun ba?” sabi nito at tumingin kay Aya. “Huwag kang mag-worry sa akin, Aya. Wala kang dapat alalahanin.’’

“Salamat po Tita.’’

“Kung ganoon rice na lang iluluto natin?’’

“Opo Tita,’’ sagot ni Aya.

Tinawag ni Doktora ang isang maid at inutusang magsaing. Binalingan sila ni Doktora pagkatapos.

“Dun tayo sa computer room ko. Meron akong ipakikita sa inyong dalawa.’’

Sumunod sina Aya at Sam kay Doktora. Nasa tabi lang ng salas ang computer room. Malawak. May computer table. Nasa ibabaw ang laptop. May sopa bed doon. Siguro’y pagnapagod si Doktora ay sa sopa bed humihiga.

May dalawang silya sa tabi ng computer table.

“Maupo kayo,’’ sabi ni Doktora.

Naupo si Sam sa isa sa mga silya pero si Aya ay nanatiling nakatayo at mayroong tinitingnan. Naka-frame na retrato. Nakasabit sa dingding malapit sa pinto. Iyon ang picture ng kanyang ama. Si Dr. Paolo del Cruz. Naka-puting uniporme si Doc Paolo. Bata pa ito sa retrato. Siguro’y mga 40 lang ito. Guwapo.’

‘‘Siya ang husband ko...dati,’’ sabi ni Doktora.

(Itutuloy)

Show comments