Halimuyak ni Aya (339)

HINDI pa rin makapaniwala si Sam sa pasya ni Aya na makaharap si Dra. Sophia Del Cruz pero nasisiyahan siya sa pasyang iyon. Nagbago na nga ng pananaw si Aya.

“Kailan tayo pupunta kay Doktora, Sam?”

“Sa Sabado.”

“Sige.”

“Talaga bang gusto mo siyang makita?”

“Ang kulit mo talaga, Sam. Ngayong pumapa-yag na ako na makaharap ang dating asawa ni Papa, parang hindi ka makapaniwala. Akala mo lagi akong nagbibiro.”

“Sinisiguro ko lang. Pero alam mo, masaya ako sa pasya mo. Alam ko, wala nang mga hinanakit sa puso mo.’’

“Na-realized ko kasi, bakit ba mag-aalaga ako ng mga worries sa dibdib ko. Baka magkasakit pa ako. Kailangan itapon ang mga basura!”

“Wow, yan ang gusto kong marinig. Tama ka, kapag marami kang iniipong sama ng loob, maaari kang magkasakit. Alam mo bang sa pag-aaral sa isang ospital sa US, ang mga pag-aalala o pagwo-worry ay pinaaaktibo ang cancer cells. Batay sa pag-aaral, yung mga taong sobra kung mag-worry ang sinasabing nagkaka-cancer.’’

“Talaga? Tama lang pala na huwag akong mag-iipon ng mga alalahanin o kaya ay mamroblema nang mambroblema. Baka magka-cancer pa ako e madali kang mabiyudo, he-he-he!”

“Kaya nga tama ang pasya mo na kalimutan na ang mga alalahanin sa buhay. Isa pang magandang pakahulugan sa worry ay ito. Nabasa ko ito sa isang libro. Ang pagwo-worry daw ay para kang nakasakay o nakaupo sa tumba-tumba. Uga ka nang uga pero hindi ka umaalis sa kinalalagyan mo. Parang isip ka nang isip sa problema pero iyon pala ay hindi mo naman dapat problemahin.’’

“Ay ang galing naman ni Doc Sam. Sige po at susundin ko ang payo mo.’’

“E di desidido ka nang makaharap si Doktora?”

“Oo. Pero hindi natin sasabihin na anak ako ni Dr. Paolo del Cruz. Wala tayong sasabihin kahit ano tungkol sa akin.”

“Sige.”

DUMATING ang Sabado. Tinext muna ni Sam si Dra. Sophia at ipinaalam ang pagdalaw niya. Sinabi niyang mayroon siyang kasama. Sumagot agad si doktora. No problem daw. Maghihintay daw siya.

Dumating sina Sam at Aya sa bahay ni Dra. Sophia ng alas-diyes ng umaga. Sinalubong sila ni Jaime sa gate. Nang papasok na sila sa gate ay may ibinulong si Aya kay Sam. “Ang yaman nga pala ni Doktora ano?” Tumango lang si Sam.

Nagkaharap sina Aya at Dra. Sophia. Humanga si Aya sa ganda ni Doktora.

Ipinakilala ni Sam si Aya.

“Doktora., girlfriend ko po, si Aya.’’

“Aya?”

Parang nag-isip si Doktora. May inaalala.

(Itutuloy)

Show comments