Halimuyak ni Aya (320)

NAPANGITI lamang si Sam sa tanong ni Tita Imelda.

“Gusto mong makita ang iyong amang Arabo, Sam?”

“Hindi po ako galit sa aking ama pero ayaw ko siyang makita.”

Nakatingin lang si Tita Imelda. Parang tinitimbang ang loob ni Sam.

“At saka imposible na po siguro na magkaroon din ng interes sa akin ang aking amang Arabo.’’
“Sabagay…’’

“Di ba sabi mo po sa sulat, parang pinagpraktisan lang ang Mama ko ng tinedyer na Arabo…’’

“Totoo yun, Sam. Sa tagal ng pagtatrabaho ko sa Saudi, kabisado ko na ang mga lalaki roon lalo ang mga tinedyer. Doon may mga tinedyer na behave pero mayroong ubod ng sutil. Kapag nilibugan na ang mga tinedyer doon, walang sinisino. Mas nakakatakot ang mga tinedyer kaysa mga matured na lalaki.’’

“Ganun po ba? Kaya po pala ganun na lamang ang pagpapaalala mo kay Mama. Talo mo pa ang kapatid nang pagsabihan si Mama.’’

“Kapatid na nga ang turing ko sa kanya. Mas matanda ako ng ilang taon kay Mama mo,  kaya nang malaman ko na nahuhulog ang loob niya sa tinedyer na si Abdullah, sinabihan ko siya. Malaking problema ang mangyayari kapag hindi niya ako pina­kinggan. Pero sinunod din ang gusto niya. Inamin naman niya na talagang nagka­gusto siya sa tinedyer…’’

Napatangu-tango si Sam.

Hanggang sa may kumatok sa pinto. Ang staff na babae ni Tita Imelda na may dalang buko. May straw ang buko.

“Uminom ka muna, Sam.’’
“Salamat Tita.’’

Sumipsip si Sam.

“Tanong ko lang Tita, bakit kaya pumatol si Mama sa tinedyer na si Abdullah.”

“A, naikuwento niya sa akin na hindi naman niya talaga mahal si Philipp o si Ipe. Parang napilitan lang siyang magpakasal kay Ipe. Hindi naman niya gaanong sinabi kung bakit. Basta ang pakiramdam ko, hindi niya mahal ang kanyang asawa.’’

“Pero nalaman din po ni Ipe ang “lihim” ni Mama. Kuwento po ni Lolo, nabasa ni Ipe ang mga sulat mo. Bago po kasi namatay si Lolo nagkuwento siya tungkol sa pagkatao ko. Tapos, nabasa ko naman ang sulat n’yo. Itinago po ni Lolo ang mga sulat.’’

“Diyos ko, ang sulat ko pala ang naging dahilan kaya nabulgar ang lihim.’’

“Siguro po, talagang ganun ang plano ng Diyos. Lahat ay nakaplano. Maski ako, pinlanong mabuhay para maging doctor sa hinaharap at para magkita pa tayo…’’

“Oo nga. Buti at nagkita tayo.’’

“Ngayong nakita na kita Tita, nasagot na ang mga tanong ko.”

(Itutuloy)

 

Show comments