Halimuyak ni Aya (309)

“ANONG iniisip mo Sam?” tanong ni Aya. Malapit na silang dumating sa Maynila.

“Inaalala ko si Lolo. Kanina, nang lingunin ko siya habang paalis tayo ay nakatingin sa kawalan. Parang malayo ang iniisip. Para bang may dinadasal siya.’’

“Alam ko ang naiisip mo, Sam. Siguro, mas maganda kung ipagdasal na lang natin si Lolo.’’

“May mga nangyari na kasi na masyadong nalungkot ang lalaki sa pagkawala ng asawa at ilang buwan lang ang lumipas, sumunod na rin.’’

Hindi nagsalita si Aya. Nakarinig na rin siya ng ganoong pangyayari.

“Kaya sabi ko kay Lolo, kung anuman ang mangyayari, mag-text siya. Ibinigay ko ang cell phone sa kanya. Marunong naman siyang gumamit.
Ayaw ngang tanggapin dahil wala raw akong gagamitin pero sabi ko mayroon pa akong ekstrang cell phone.’’

“Ipagdasal na lang natin siya Sam. At saka lagi naman natin siyang dadalawin di ba?’’

“Oo. Gusto dalawang beses isang buwan.’’

 

TAMA ang mga napansin ni Sam kay Lolo Ado. Tatlong buwan makaraang mamatay si Lola Cion, sumunod na rin ito. At namatay ito habang nagbabantay sa puntod ni Lola Cion. Nakaupo sa silya.
Ang catetaker ng memorial park ang nakakita kay Lolo Ado habang nakalungayngay sa silya. Dinala sa ospital pero DOA na. Nakuha sa bulsa ang cell phone. Ito ang ginamit ng caretaker para makontak si Sam sa Maynila.

Hindi na gaanong nagulat si Sam nang malaman ang balita. Naihanda na niya ang sarili.

(Itutuloy)

 

Show comments