Halimuyak ni Aya (308)

BAGO umalis sina Sam at Aya nagmano at mahigpit nilang niyakap si Lolo Ado. Nang bumaba sila ng bahay, may na­ramdamang kaba si Sam. Para bang iyon na ang huli nilang pagkikita. Nang lingunin niya si Lolo Ado, nakatingin ito sa kawalan. Malungkot na malungkot ang matanda. Walang magawa si Sam sapagkat kahit na anong pilit nila sa ma­tanda ay ayaw su­mama. Kawawa naman daw ang puntod ni Lola Cion. Wala raw maglilinis dito.

Habang nasa bus sina Sam at Aya ay si Lolo Ado ang pinag-uusapan nila.

“Alam mo kaninang bumaba tayo ng bahay, may nadama akong kaba,” sabi ni Sam.

“Paanong kaba?”

“Para bang iyon na ang huli naming pagkikita ni Lolo.’’

“Nakakatakot naman ang sinasabi mo.’’

“Parang iyon ang na­ramdaman ko. Sana naman ay hindi totoo.’’

“Pero napansin ko, ang laki ng itinanda ni Lolo mula nang mamatay si Lola.’’

“Napansin ko rin. Hindi naman ganun ang itsura niya noong umuwi ako para alagaan si Lola. Masigla si Lolo noon. Pero ngayon, parang bumagsak ang katawan.’’

“Totoo yata yung na­rinig ko na kapag daw ang kapartner ay nawala, nanghihina rin ang naiwan. Para raw nawawalan na ng gana sa buhay.’’

“Parang ganun ang naki­kita ko kay Lolo. Para bang nawalan ng sigla.’’

“Sana naman humaba pa ang buhay niya.’’

“Sana nga Aya. Sana makaabot pa siya sa paggraduate ko ng Medicine. Para naman mairegalo ko sa kanya ang diploma ko. At sana, buhay pa siya sa pag­labas ng board exam ko.’’

Nakatingin lang si Aya kay Sam. Pero sa isip niya, lihim siyang umuusal ng dalangin na humaba pa ang buhay ni Lolo Ado para naman masaksihan ang pagtatapos ni Sam.

“Kung sana ay sumama sa atin si Lolo, wala akong problema. Maaalagaan ko siya.’’

“Maaalagaan natin. Tayong dalawa ang mag-aalaga kay Lolo.’’

“Oo sana. Pero ayaw talaga. Ayaw iwanan ang puntod ni Lola. Wala raw mag-aalaga.’’

“Ibang klaseng pag-ibig talaga, ano Sam?”

“Oo. Nasaksihan ko kung paano sila magmahalan. Walang iwanan talaga. Pareho silang nagsusunuran at nagpapa­sensiyahan.”

“Hanga ako kay Lolo at Lola, Sam.’’

Napatungo lang si Sam. Hanggang sa mayroon siyang maalala. Mayroon kayang sinabi si Lolo kay Aya. Sabi ni Lolo, siya raw ang bahalang gumawa ng paraan para malaman ni Aya ang damdamin niya rito.

(Itutuloy)

Show comments