Halimuyak ni Aya (256)

NAGPATULOY si Manang Azon sa pagkukuwento ng mga nangyari kina Brenda at Janno.

‘‘Nang makita ko ang pagkahulog ni Brenda sa hagdan, nagmamadali akong sumugod para siya tulungan. Hindi ko na naisip na maaari akong barilin o saksakin ng sira-ulong si Janno. Basta ang nasa isip ko ay matulungan si Brenda. Dinig na dinig ko ang paglagabog niya sa hagdan dahil sa pagtulak ng demonyo!

“Nang daluhan ko si Brenda ay namimilipit  sa sakit. Idinadaing ang ulo na tumama sa puno ng hagdanan. Pero wala naman akong nakitang dugo sa ulo. Pero sa ti­ngin ko, masama ang pagka-kabagok ng ulo niya.

“Nagsisigaw na ako para humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Tulong! Tulong! Mga kapitbahay tulungan n’yo kami!

“Nang magsisigaw ako, nakita ko ang demon­yong si Janno na nagma­madaling lumabas ng pinto. Binuksan ang gate. Narinig ko ang pag-andar ng kanyang sasakyan. At pati ang mabilis na paglabas sa gate. Malakas ang ingay ng mga gulong dahil sa mabilis na pagpapatakbo niya. Tumakas na ang demonyo !

‘‘Hanggang sa magdatingan na ang mga kapitbahay. Tinanong ako kung ano ang nangyari. Sabi ko nahulog sa hagdan. Dalhin natin sa ospital. Pinagtulung-tulu-ngang buhatin si Brenda. Isinakay sa van ng isang kapitbahay. Isang babae ang kasama ko sa van. Mabilis na isinugod namin sa ospital si Brenda.

‘‘Nang malapit na kami sa ospital biglang nagkatrapik. Iyon pala may nabanggang itim na Fortuner. May mga pulis at ambulansiya. Wasak na wasak ang Fortuner. Bumangga sa haligi ng MRT. Nang makita ko ang plaka ng Fortuner, iyon ang number ng Fortuner ni Janno. Siya pala ang bumangga. Wasak na wasak at tiyak na patay ang drayber.

“Narinig namin mula sa labas, bukas ang bintana ng van na patay na raw ang drayber ng Fortuner…halos nadurog daw ang katawan sa lakas ng pagkakabangga.”

Biglang nagsalita si Aya.

“Nagbayad agad ang demonyo!”

Nagpatuloy si Ma­nang Azon.

“Habang patungo kami sa ospital ay may sinasabi si Brenda. Parang naghihingalo na siya. Ang pangalan ninyong dalawa ang sinasabi. Tinanong ko kung ano ang ibig niyang sabihin pero hindi ko maintindihan. Parang namamaalam na. Nang nasa emergency room na siya, pilit na niri-revive ng mga doktor. Pero makaraan ang isang oras, sabi ng doktor, wala na. Tumigil na ang tibok. Nakita sa ginawang scan na grabe ang internal hemorrhage. Nagdugo raw sa loob ng utak dahil sa matin­ding pagkabagok…’’

(Itutuloy)

 

Show comments