Halimuyak ni Aya (252)

“NAGKAROON po ng gulo sa bahay ni Mama Brenda. Si Janno po ang dahilan…”

“Si Janno, yung asawa ni Mama Brenda mo?”

“Opo.”

“Anong nangyari?”

Ikinuwento ni Sam ang mga nangyari. Pati ang pagsuntok niya kay Janno. Lahat nang mga nangyari sa buhay niya mula nang umalis kay Mama Brenda.

“Hindi ko po ipinagtapat sa inyo ni Lola ang mga nangyari dahil ayaw ko kayong mamroblema. Baka magkasakit uli si Lola. Iyon din po ang dahilan kaya hindi ako umuuwi rito.’’

“Ganoon pala ang nangyari. Wala kaming kamalay-malay na may nangyayari na palang hindi maganda sa iyo. E, saan ka nakatira ngayon?­”

“Sa apartment po na pag-aari naman ng papa ni Aya.”

Napanganga si Lolo Ado.

“Papa ni Aya? Paanong nangyari? Bakit doon ka nakatira?”

“Hindi lamang po ako ang nakatira roon, Lolo, pati po si Aya.”

Lalo nang nagulat.

“Magkasama kayo ni Aya?”

“Opo.”

“Naguguluhan ako, Sam.”

Ikinuwento ni Sam kay Lolo Ado ang lahat kung paano nakilala si Dr. Paolo Del Cruz na papa ni Aya. Pati na rin ang mga nangyari kay Aya kung bakit ito lumipat sa apartment na pag-aari ng ama. Pati na rin ang maraming pera na bigay ni Mama Brenda­ ay ikinuwento na rin ni
Sam.

“Ganoon pala ang nangyari. Napakarami palang lihim na ang nabunyag, ano Sam?”

“Opo, Lolo.’’

Tumingin si Lolo Ado nang makahulugan kay Sam.

“Bakit Lolo? Bakit naka­titig ka sa akin.’’

“Siguro dapat mo na ring malaman ang naka­tagong bahagi ng pagkatao mo, Sam.”

“Ano pong ibig mong sabihin, Lolo.’’

“Ang iyong ama ay isang Arabo --- isang Saudi.’’

Nakatingin si Sam. Naghihintay sa mga ikukuwento pa ni Lolo Ado.

“Ang mama mo ay isang domestic helper sa Saudi. Nagkaroon siya ng relasyon sa anak na tinedyer ng kanyang amo. Naging madalas ang kanilang pagniniig hanggang mabuntis ang mama mo. Ikaw ang nabuo, Sam…’’

(Itutuloy)

Show comments