Halimuyak ni Aya (247)

“IKAW na ang bahala kay Aya, Sam,” sabi ni Mama Brenda.

Napatingin nang makahulugan si Aya sa ina.

“’Ma, para namang hindi na tayo magkikita kung magbilin ka kay Sam. Ano ba ‘yan?”

“Wala namang masama na magbilin ako kay Sam. Malaki kasi ang tiwala ko sa kanya.’’
“Kasi’y ‘yang pagsasalita mo parang iiwan mo na ako.’’

“Hindi. Saan naman ako pupunta?’’

Yumakap si Aya kay Mama Brenda.

“I love you Mama.”

“I love you too. Mag-aral kang mabuti ha?’’

“Oo naman.”

“Basta huwag mo akong isipin at okey naman ako. Basta yang sarili mo huwag mong pababayaan.’’

“O parang yang tono ng pagsasalita mo aalis ka. Huwag ganyan ‘Ma.’’

“Hayaan mo nga ako, Aya. Pakinggan mo lang ako. Gusto ko kasi, nasa maganda kang kalagayan. May sinabi ako kay Sam kanina at siya na lang ang bahalang magsabi niyon sa iyo. Maaaring magtaka ka pero siguro mau­unawaan mo rin ako.’’
Mahigpit pang niyakap ni Aya si Mama Brenda.

“Sige na, baka na naman dumating ang kalaban ay magkaroon na naman ng gulo. Baka kung ano ang mangyari.”

“Sige ‘Ma. Pero babalik uli kami ni Sam dito. Kokontakin ko muna si Manang Azon.”

Tumango si Mama Brenda.

Lumapit si Sam at humalik kay Mama Brenda.

“Sam, yung mga sinabi ko huwag mong kalilimutan.”

“Opo.”

Umalis na sina Sam at Aya. Nasa gate si Manang Azon at nagbabantay.

“Manang, salamat. Babalik po kami rito. Ikaw na po ang bahala kay Mama. Paki-text po ako o pakitawagan.”

“Sige, Aya. Ako nang bahala kay Mama mo.”

Umalis na sina Sam.

Pagdating sa bahay, saka nagtanong si Aya kay Sam.

“Anong sinabi ni Mama sa’yo Sam?”

“Huwag daw ta­yong mag-aaway. Lagi raw tayong magmahalan.”

“Yung totoo, Sam.”

“Yun nga.”

Niyakap ni Aya si Sam.

“Sam, sabihin mo sa akin ang totoo.”

Nalanghap ni Sam ang bango ni Aya. Mas mabango kaysa kay Julia. Sasabihin na ba niya?

(Itutuloy)

Show comments