Halimuyak ni Aya (223)

“AYA!’’ Sigaw ni Sam at mabilis na sinalubong si Aya.

“Kanina ka pa namin hinihintay! Akala ko may nangyari nang masama sa’yo.’’

“Mamaya ko na ipalili-wanag.’’

“Akina yang dala mo!’’

Mabilis na tinungo ang kinaroroonan ng taxi. Pinabuksan sa drayber ang trunk at isinakay ang luggage ni Aya.

“Sakay na Aya!’’ sabi ni Sam, nang maikarga ang luggage.

Sumakay si Aya sa likuran. Si Sam ay sa tabi ng drayber.

‘‘Tayo na po Manong! Dun po tayo sa pinangggalingan ko kanina --- sa Dapitan.’’

Sumibad ang taxi.

‘‘Bakit ang tagal mo, Aya?’’ Nakalingon sa hulihan si Sam.

Hindi agad makasagot si Aya. Halatang mabigat ang dinadalang problema. Nakatungo.

“Bakit Aya?’’

Napaiyak bigla si Aya. Malakas.

Hindi na tinanong ni Sam. Mamaya na lang pagdating sa bahay. Mukhang malaki ang problema.

Sumusulyap kay Sam ang mabait na drayber. Parang may gustong itanong pero pinigil na lang ang sarili. Hindi tamang magtanong sa pagkakataong iyon na may dinadalang problema.

Walang trapik kaya mabilis silang nakarating sa Dapitan.

‘‘Magkano po Manong?’’

‘‘Bahala ka na.’’

“Puwede na po ang P500?’’

“Aba sobra-sobra yan. Big­yan mo lang ako ng P300. Alam ko estudyante ka.’’

‘‘Sa iyo na po ‘yang P500. Maraming salamat sa pag­hihintay.’’

‘‘Maraming salamat.’’

Niyaya na ni Sam si Aya. Bumaba si Aya. Nagtungo naman sa compartment si Sam at ibinaba ang luggage. Nang maibababa ay nagpasalamat muli kay Manong. Umalis na ang taxi.

Pumasok na sila sa loob ng bahay. Walang imik si Aya na naupo sa sopa.

‘‘Anong nangyari, Aya?’’

Bumuntunghininga si Aya.

‘‘Kanina, papalabas na ako ng bahay pero nagbalik uli ako sa loob para kumbinsihin si Mama na sumama sa akin. Kasi hindi talaga ako mapakali at gusto ko siya isama.  Pero nang magbalik ako, sarado na ang kuwarto ni Mama at sumisigaw sa loob ang demonyong si Janno. Parang sinasaktan na naman si Mama! Kinatok ko ang pinto at tinawag si Mama. Hindi na ako natatakot kahit anong gawin ng demonyo. Pero ayaw buksan ang pinto. Ang narinig ko ay ang sigaw ni Mama na umalis na ako dahil papatayin ako ni Janno. May baril daw na hawak ito. Saka lamang ako umalis. Pero awang-awa ako kay Mama. Anong gagawin ko para siya makuha roon, Sam.’’

Hindi makasagot si Sam.

(Itutuloy)

Show comments