Halimuyak ni Aya (204)

WALA sa mood si Sam nang dumating sa tinutuluyang apartment. Naiinis siya kay Aya. Kahit napapagod siya, sinikap niyang magdaan sa ospital para siya makita at maibalita ang pinag-usapan nila ng papa nito. Pero meron pala siyang bisita. Sana hindi na lang siya nagdaan doon at nagderetso na lang dito sa tinitirahan niya. Sana pala tinawagan muna niya ito. Malay ba niya na naroon ang classmate nitong si TJ? Palagay ni Sam, may crush si TJ kay Aya.

Naratnan ni Sam ang ka-bed space na si Anton. Engineering ang course ni Anton. Pareho sila ng school na pinapasukan. Magkaiba nga lang ang oras nila.

“Ginabi ka yata, Sam?” bati ni Anton.

“May dinaanan pa kasi ako.’’

“Akala ko nasa library ka. Galing din kasi ako sa library. Ang hirap mag-research, daming tao.’’

“Bukas pa ako magla-library.”

“Siyanga pala, Sam di ba balak mong kumuha ng Medicine?”

“Oo.”

“Yung kapatid kong bunso parang balak din niya. Diyan din sa school natin balak mag-premed. Okey lang daw ba? I mean hindi raw ba mahirap?”

“Sa akin okey lang. Kapag kasi gusto mo ang course mo, mag-eenjoy ka. Ako kasi, determinado akong magdoktor kaya pinagsisikapan ko.’’

“Ah, sabagay ang kapatid ko parang katulad mo rin ang personalidad. Palaaral din. Laging nagbabasa.’’
“Basta sabihin mo sa utol mo, laging naka-focus sa pag-aaral at hindi siya mawawala.’’

“Sige Sam. Salamat sa advice.’’

Kinagabihan, maagang natulog si Sam. Babangon na lang siya nang maaga para mag-aral ng lesson. Mas magandang mag-memorize ng lesson kapag madaling araw. Kadalasan, nagsosolo siya sa pagmemorize dahil nasa kasarapan ang tulog ng mga ka-bed space niya.

Dakong alas dose ng hatinggabi, nagulantang si Sam nang mag-vibrate ang cell phone niya. May tumatawag. Nasa tabi niya ang phone. Nang tingnan niya kung sino ang tumatawag – si Aya!

Hindi niya sinagot. Patuloy na nag-vibrate. Hinayaan niya. Hindi niya sasagutin kahit pa paulit-ulit siyang tawagan. Naiinis siya kay Aya.

Nakatulugan niya ang pag-vibrate ng phone.

Nang gumising siya nang madaling araw, tumawag muli si Aya pero hindi pa rin niya sinagot. Hanggang sa magsawa na.

Nagmemorize na lang siya. Naka-pokus siya sa pag-aaral ng lesson. Mamaya ay mayroon silang long quiz. Kailangang maka-perfect siya. Haha-yaan na lang muna niya si Aya. Tutal naman at mayroon itong classmate na dumadalaw. (Itutuloy)

Show comments